May mga pangarap na sinusukat sa puntos, tropeo, at tagumpay. Ngunit may mga pangarap ding higit pa sa basketball court—mga pangarap na nakaugat sa pamilya, sakripisyo, at pag-asang mabigyan ng mas magandang buhay ang mga mahal sa buhay.
Ganito inaalala ng marami si Rene Clert "Bobet" Baterbonia, ang 19-anyos na aspiring basketball player ng Ateneo de Manila University Blue Eagles na pumanaw matapos ang isang trahedya sa isinagawang team-building activity ng Ateneo Men's Basketball Team sa Dipaculao, Aurora noong Lunes, Hunyo 8, 2026.
Kasama niyang nasawi ang kapwa student-athlete na si Divine Adili.
Sa murang edad, unti-unti nang tinatahak ni Rene ang landas tungo sa mas mataas na antas ng basketball.
Bilang miyembro ng Ateneo Blue Eagles program, kabilang siya sa kabataang atletang piniling pagsabayin ang pag-aaral at paglalaro sa isa sa mga pinakakilalang collegiate basketball programs sa bansa.
Ang pagsusuot ng asul at puting jersey ng Ateneo ay hindi lamang pribilehiyo kundi bunga ng maraming taon ng pagsisikap, disiplina, at sakripisyo.
SI BOBET BILANG ISANG ANAK
Tulad ng maraming kabataang Pilipinong nangangarap sa pamamagitan ng sports, dala niya sa bawat ensayo at laban ang pag-asang maitaguyod ang kaniyang pamilya at makabuo ng mas magandang kinabukasan.
Bago siya naging pinakamahusay na manlalaro ng 2025 Palarong Pambansa, si Bobet ay isang simpleng binatilyong lumaki sa Talacogon, Agusan del Sur.
Anak siya nina Rene at Rovelyn Baterbonia, na nagsumikap na buhayin ang kanilang pitong anak sa pamamagitan ng pagtitinda ng isda sa palengke.
Mula sa murang edad, nakita ni Bobet ang hirap na dinaranas ng kanilang pamilya kaya maaga niyang itinakda sa sarili ang isang layunin—ang gamitin ang kaniyang talento upang maiangat sila sa kahirapan.
Sa mga probinsiya at komunidad kung saan nagmumula ang maraming batang manlalaro, ang basketball ay hindi lamang laro—isa itong daan tungo sa edukasyon, oportunidad, at pag-ahon sa buhay.
Hindi basketball ang una niyang kinahiligan. Bilang bata, mas mahilig siyang maglaro ng soccer.
Ngunit habang tumatangkad at lumalakas ang kaniyang pangangatawan, natuklasan niyang mas may potensyal siya pagdating sa basketball.
Pagsapit sa gulang na 15, tuluyan na niyang ibinuhos ang kaniyang oras at dedikasyon sa basketball, bagay na nagbukas ng maraming oportunidad para sa kaniya.
UNTI-UNTING PAGDRIBOL SA TAGUMPAY NG BASKETBALL
Mabilis na nakilala si Bobet sa mundo ng basketball matapos niyang pangunahan ang Davao Region sa makasaysayang kampanya nito sa 2025 Palarong Pambansa sa Ilocos Norte.
Sa kaniyang pamumuno, nasungkit ng Davao Eagles ang kauna-unahang gintong medalya ng rehiyon sa secondary boys basketball.
Dahil sa natatanging husay, kinilala siya bilang Most Valuable Player (MVP) at napabilang sa Mythical Five.
Sa parehong taon, naging bahagi rin siya ng koponang kumatawan sa Pilipinas na nagwagi ng gintong medalya sa 14th ASEAN Schools Games sa Brunei.
Nitong 2026, muling pinangunahan ni Bobet ang Davao Region sa Palarong Pambansa sa kaniyang sariling lalawigan ng Agusan del Sur.
Bagama't nagtapos lamang sa silver medal ang kanilang koponan, lalo namang tumibay ang kaniyang reputasyon bilang isa sa pinakamaliwanag na batang bituin ng Philippine basketball.
SI BOBET BILANG ISANG ATLETANG MAY SIMPLENG PANGARAP PARA SA PAMILYA
Sa mga kuwento ng kaniyang mga coach, kasamahan, at mga nakakakilala sa kaniya, lumilitaw ang imahe ng isang kabataang pursigido, may pangarap, at handang magsikap para maabot ang mga ito.
Ang pagiging bahagi niya ng Ateneo basketball program ay isa nang mahalagang tagumpay para sa isang batang atleta na minsang nangarap lamang makapaglaro sa mas malaking entablado.
Bukod dito, sa kabila ng kaniyang papausbong na kasikatan sa larangan ng basketball at sports, hindi nagbago ang kaniyang mga prayoridad.
Ayon sa mga nakakakilala sa kaniya, malaking bahagi ng kaniyang allowance at mga insentibo mula sa basketball ang ibinibigay niya sa kaniyang pamilya.
Minsan, sinabi pa raw niyang umaabot sa 80% ng kaniyang kinikita ang ipinadadala niya sa pamilya upang makatulong sa mga magulang at anim na kapatid.
Pangarap niyang balang araw ay makapagpatayo ng negosyo para sa kaniyang mga magulang upang hindi na sila kailangang magbenta ng isda sa palengke.
Dahil sa kaniyang talento at potensyal, inalok siya ng scholarship ng Ateneo at nakatakda sanang maging bahagi ng Ateneo Blue Eagles sa UAAP.
Para sa marami, ito na sana ang simula ng mas malaking karera sa basketball.
Ngunit para kay Bobet, higit pa ito sa personal na tagumpay—ito sana ang unang hakbang upang matupad ang kaniyang pangakong iaahon sa kahirapan ang kaniyang pamilya.
ANG MALUNGKOT NA TRAHEDYA NG PAGKALUNOD NG MGA PANGARAP
Sa kasamaang-palad, naputol ang kaniyang mga pangarap noong Hunyo 8, 2026 matapos siyang masawi sa insidente ng pagkalunod sa isang team-building activity sa Dipaculao, Aurora.
Siya ay 19 taong gulang lamang.
Ang kaniyang pagpanaw ay nagdulot ng matinding dalamhati hindi lamang sa kaniyang pamilya kundi maging sa buong komunidad ng Ateneo.
Sa opisyal na pahayag ng unibersidad, kinumpirma nito ang pagpanaw nina Rene at Divine at nagpahayag ng pakikiramay sa kanilang mga pamilya, kaibigan, kakampi sa koponan, at mga coach.
Sa social media, bumuhos din ang mga mensahe ng pakikidalamhati mula sa kapwa atleta, alumni, basketball fans, at mga ordinaryong Pilipino.
Maki-Balita: 'One of the brightest talent!' Ateneo de Davao, inalala naging karera ni Baterbonia
Maki-Balita: PSC nakiramay, tutulong sa imbestigasyon ng pagkasawi nina Baterbonia at Adili!
Maki-Balita: DepEd, nakiramay sa pagkamatay ni Rene Clert Baterbonia
Marami ang nagsabing napakasakit isipin na isang kabataang puno pa ng pangarap ang biglang nawala.
Hindi rin naiwasan ng mga netizen na kuwestyunin ang uri ng training para sa mga atleta; bakit daw kailangan pang gawin sa isang beach, at bakit daw kailangang may pabigat sa magkabilang arms.
Maki-Balita: 'Is it just a team building?' Netizens, umalma sa pagkalunod nina Baterbonia at Adili!
Emosyunal naman ang ina ni Bobet sa nangyari sa kaniyang anak, na aniya, mula pagkabata ay talagang sinuportahan na niya sa mga pangarap nito.
Hindi pa naiwasan ni Rovelyn na ikuwento ang ilan sa mga huling sandali ng pag-uusap nila ng anak, matapos nitong magpaalam na hindi muna makagagamit ng cellphone dahil sa training nila.
"Diin ni Rovelyn, inakala raw niya na normal na training lang para sa mga basketbolistang manlalaro ang pupuntahan ng kaniyang anak at hindi iyon kasinghirap ng ensayo ng mga militar.
“Kasi akala ko training lang. Hindi military training! Ano ba ‘yon?” kuwestiyon niya.
Pagpapatuloy ni Rovelyn, hindi na raw nakagamit ng cellphone si Rene mula noong Sabado, Hunyo 6, hanggang Linggo, Hunyo 7, at nagulat na lang daw siya nang tawagan siya ng isang kawani ng kanilang team para sabihing nalunod si Rene.
“Sabi niya, ‘Ma’am, naaksidente po si Rene. Nalunod po.’ Malaki talaga ang tanong ko. Bakit napunta doon sa dagat? Kasi basketball naman ‘yong anak ko, hindi naman swimming,” hinagpis niya.
“Masakit! Sobrang support ko mula bata hanggang ngayon tapos ginanon lang nila,” pagtatapos ni Rovelyn.
Apela ni Rovelyn, nananawagan daw siya na makamit ang hustisya sa pagpanaw ng kaniyang anak at malaman ang buong katotohanan sa naganap na insidente ng kaniyang pagkalunod.
Maki-Balita: 'Akala ko training lang, hindi military training!'—Ina ni Rene Baterbonia
Samantala, ayon naman sa Philippine National Police (PNP) Aurora, walang foul play na naganap at talagang aksidente lamang ang nangyari kay Bobet pati na sa isang kasamang atletang Nigerian.
ALAALA AT LEGASIYA NI BOBET SA MAIKSING PANAHON
Ang bawat oras na ginugol niya sa ensayo, bawat pawis na tumulo sa hardwood court, at bawat sakripisyong ginawa para sa kanyang pamilya ay bahagi ng pamana niyang hindi mabubura.
Sa huli, maaaring natapos ang kaniyang huling laro nang mas maaga kaysa inaasahan.
Ngunit para sa mga taong nagmamahal sa kaniya, si Bobet ay mananatiling isang manlalarong hindi lamang nagdribol ng bola—kundi nag-shoot at nagdala rin ng pag-asa, inspirasyon, at pagmamahal para sa kaniyang pamilya at sa mga taong naniwala sa kaniyang pangarap.