August 18, 2026

Home FEATURES Human-Interest

ALAMIN: Mga dapat tandaan matapos sumuong sa baha

ALAMIN: Mga dapat tandaan matapos sumuong sa baha
Photo courtesy: Mark Balmores (MB)

Isa sa mga problemang iniinda ng mga Pinoy tuwing umuulan ay ang malalalim na baha sa iba’t ibang parte ng bansa na nagdudulot ng matinding trapiko, pagkalubog ng mga kabahayan, at pagkasira ng mga pangkabuhayan.

Madalas kahit anong pag-iingat, tila hindi maiiwasan ng maraming mamamayan na lumusong sa baha para makauwi o makapasok sa kanilang paaralan o opisina. 

Sa pagsuong na ito ay nagkakaroon naman ng panibago pang problema, ang pagkakaroon ng sakit na Leptospirosis, na isang bacterial infection na nakukuha sa tubig na kontaminadong ihi ng mga infected na hayop, partikular ng daga.

Ayon sa health advisory na inilabas ng Presidential Communications Office (PCO), madalas na dinadapuan ng leptospirosis ay ang mga lumulusong sa baha lalo na kung may sugat, gasgas, o bukas na bahagi ng balat. 

MAKI-BALITA: PCO nagbabala sa leptospirosis habang patuloy ang pag-ulan, pagbaha

Human-Interest

‘Naghahanap ng solusyon sa baha?’ Maayos at responsableng paraan ng pagtatapon ng basura

Ayon naman sa Centers for Disease Control and Prevention (CDC) kung hindi maaagapan agad, ang leptospirosis ay nagdudulot ng kidney damage, liver failure, meningitis–na isang sakit na nagdudulot ng pamamaga sa parte ng membrane na responsable sa proteksyon ng utak at spinal cord. 

MAKI-BALITA: ALAMIN: Ano ang leptospirosis at paano maging ligtas mula rito?

Dahil sa mga implikasyong ito na dulot ng leptospirosis, narito ang mga dapat tandaan matapos sumuong sa baha: 

1. Agad na hugasan ng malinis na tubig at sabon ang mga parte ng katawan na nalubog sa baha.

2. Kung walang malinis na tubig at sabon na panglinis ng katawan, gumamit ng alcohol-based wipes o sanitizer. 

3. Agad ding labhan sa mainit na tubig at detergent ang mga damit na ginamit pangsuong sa baha bago ito muling suotin. 

Ayon naman sa Department of Health (DOH), mainam na magpakonsulta sa pinakamalapit health center para mabigyan ng doxycycline, isang antibiotic na ginagamit laban sa leptospirosis. 

Sa dagdag na pag-aaral ng National Kidney and Transplant Institute narito ang mga paraan ng tamang pagpapainom ng doxycycline pagkatapos lumusong sa baha:

Para sa mga walang sugat na isang beses lumusong sa baha, ipinapainom ang single dose ng doxycycline sa loob ng 24 hanggang 72 oras pagkatapos lumusong sa baha. 

Sa mga may sugat na isang beses lumusong sa baha, ipinapainom ang doxycycline isang beses kada isang araw sa loob ng tatlo hanggang limang araw.

Inuumpisahan ang pag-inom sa loob ng 24 hanggang 72 oras pagkatapos lumusong sa baha. 

Sa mga paulit-ulit na lumulusong sa baha, may sugat man o wala, ipinapainom ang doxycycline isang beses kada isang linggo hanggang matapos ang exposure 24 hanggang 72 oras pagkatapos lumusong sa baha. 

Mahigpit na ipinapaalala rito na ang doxycycline ay kinakailangang may reseta ng doktor ay hindi ito dapat inumin ng mga batang edad walong taong gulang pababa, buntis, at nagpapasuso, maliban na lamang kung may ibang payo ang doktor.