Nagpaalala ang Presidential Communications Office (PCO) sa publiko na mag-ingat laban sa leptospirosis at iba pang sakit na maaaring makuha dahil sa tubig-baha, kasabay ng patuloy na pag-ulan at epekto ng Habagat sa ilang bahagi ng bansa.
Sa advisory, binigyang-diin ang panganib ng leptospirosis sa mga lugar na nakararanas ng pagbaha. Patuloy naman umano ang paghahanda ng pamahalaan, kabilang ang paghahatid ng ligtas na inuming tubig at iba pang kinakailangang health supplies sa mga apektadong komunidad.
Ang leptospirosis ay isang bacterial infection na maaaring makuha sa pakikisalamuha sa tubig-baha o tubig na kontaminado ng ihi ng mga infected na hayop, partikular ng daga. Mas mataas ang panganib sa mga taong lumulusong o naglalakad sa baha, lalo na kung may sugat, gasgas o bukas na bahagi ng balat.
Ano ang mga sintomas?
Ayon sa Department of Health (DOH), kabilang sa mga maaaring sintomas ng leptospirosis ang mataas na lagnat, pananakit ng ulo at katawan o kalamnan, pananakit ng mga binti, pamumula ng mata, pagsusuka, pananakit ng tiyan o kasu-kasuan, at paninilaw ng balat at mata.
Hindi rin nangangahulugang agad na lalabas ang sintomas matapos malantad sa baha. Ayon sa DOH, maaaring lumitaw ang mga sintomas makalipas ang ilang araw at maaari ring umabot nang hanggang isang buwan.
Kaya naman pinapayuhan ang mga nakalusong sa baha na maging mapagmatyag sa kanilang kalagayan at agad na kumonsulta sa pinakamalapit na health center o doktor kapag nakaramdam ng mga sintomas.
Huwag basta uminom ng doxycycline
May mga pagkakataong nagbibigay ang health authorities ng doxycycline bilang post-exposure prophylaxis para sa mga taong nalantad sa baha, ngunit hindi ito nangangahulugang dapat basta-basta itong inumin nang walang payo ng doktor.
Mismong DOH ay nagpapaalala na kailangan ng konsultasyon at reseta bago uminom ng doxycycline, dahil nakadepende sa uri at antas ng exposure ang kinakailangang hakbang.
Batay sa DOH guidelines, may magkakaibang regimen depende sa kung mababa, katamtaman o mataas ang panganib ng exposure. Dahil dito, mas ligtas na magpasuri muna sa health center kaysa sariling magtakda ng dosage o haba ng pag-inom ng gamot.
Iwas-baha kung maaari
Payo ng DOH, hangga't maaari ay iwasang lumusong o lumangoy sa baha. Kung hindi maiiwasan ang exposure, gumamit ng protective gear gaya ng bota at gloves, panatilihing malinis at tuyo ang mga sugat, at hugasan agad ng malinis na tubig ang mga bahaging nadikitan ng baha. Mahalaga rin ang pag-inom ng ligtas na tubig at pagpapanatiling malinis ng bahay at paligid upang mabawasan ang panganib ng mga sakit.
Sa gitna ng patuloy na pag-ulan, hindi lamang pag-iwas sa baha ang dapat tandaan. Ang pag-iingat sa mga posibleng sakit na dala ng kontaminadong tubig ay bahagi rin ng paghahanda ng bawat pamilya.