Estudyante man o manggagawa, ang tagumpay para sa marami ay nasusukat sa dami ng natupad na plano sa buhay.
Nariyan ang makakuha ng latin honors para sa mas maganda trabaho, promotion at dagdag sahod sa kompanya, makapag-travel sa ibang bansa, makatulong sa mga kapatid at magulang, o kaya’y makabuo ng sariling pamilya.
Habang ang mga planong ito ay bunga ng pagsusumikap at pagpapagal, hindi lahat ng ginugusto ay natutupad.
Ang isang tao'y maraming iniisip, maraming binabalak, ngunit ang kalooban din ni Yahweh ang siyang mananaig. – Mga Kawikaan 19:21
Hindi masama ang gumawa ng mga plano, kung tutuusin, kailangan ito para magkaroon ng direksyon ang buhay, ngunit bilang Kristiyano, mahalagang kasama ang Panginoon sa bawat pagpaplano, sa bawat desisyon.
Kung pakiramdam mo’y tahimik lang Siya at hindi sumasagot, hindi ka nag-iisa.
Marami ring napapaisip kung totoo nga bang nakikinig Siya sa mga dasal lalo na kung walang nasusunod sa mga sariling kagustuhan.
Sabi sa Isaias 65:24, hindi pa man natin ipinagdarasal, alam na agad ng Diyos ang mga kagustuhan at pangangailangan natin at bilang ama at kaibigan, ibibigay Niya ito.
Nakikinig Siya, walang duda Niya itong paulit-ulit na itinuturo sa Bibliya (Mga Awit 18:6).
Hinihikayat pa nga Niya ang bawat Kristiyano na humingi sa Kaniya, hanapin Siya, at patuloy Siyang katukin, dahil hindi Niya ipagdadamot ang mga bagay na hinihingi natin (Mateo 7:7).
Hindi man madali, pero kailangan natin magtiwala at buong-pusong maniwala na ipagkakaloob Niya ang pagpapala sa tamang oras at panahon (Isaias 60:22).
Dahil ang mga pagpapala ay dumadating at ibinibigay kapag handa na tayong alagaan at gamitin ito para sa ikararangal ng Kaniyang pangalan.