Hinamon ni Vice President Sara Duterte ang Malacañang na maging transparent sa mga gastusin at pondong pampubliko na ginagamit para sa mga biyahe ng mga opisyal at kawani ng pamahalaan.
Sa isang pahayag na inilabas nitong Martes, Agosto 18, 2026, iginiit ni VP Sara na hindi lamang isang tanggapan ng gobyerno ang dapat hingan ng transparency at accountability.
Ang pahayag ay inilabas kasunod ng mga ulat tungkol sa kaniyang nakatakdang personal na biyahe sa Japan mula Agosto 19 hanggang 24, na una nang kinumpirma ng Presidential Communications Office (PCO).
“Where Do Public Funds Go?” unang pangungusap sa opisyal ng pahayag ng Pangalawang Pangulo.
Ayon dito, ang Office of the President ay naglalabas din ng travel authorities sa maraming tanggapan ng gobyerno, kabilang ang sarili nitong mga opisyal at empleyado.
"Transparency and accountability should not be demanded from a single government office alone. The Office of the President issues travel authorities to numerous government offices, including its own officials and employees," mababasa rito.
Sinabi rin niya na makatutulong sa publiko kung ilalabas nang buo ang impormasyon tungkol sa mga gastusing kaugnay ng mga biyahe ng mga tanggapan at opisyal ng pamahalaan, kabilang ang mga pondong publiko na ginamit para sa mga naturang paglalakbay.
“In this light, the public would surely appreciate full information on the travel expenses incurred by these offices and officials, including the public funds used for such trips.”
Hiniling din ni Duterte na maging available sa publiko ang lahat ng travel authorities na inilabas ng Palasyo, kasama ang kaukulang travel expenses at public funds na sangkot.
“From hereon, we expect that all travel authorities issued by the Palace, together with the corresponding travel expenses and public funds involved, be made available to the public.”
Photo courtesy: Screenshot from Inday Sara Duterte/FB
Samantala, wala pang reaksiyon, tugon, o pahayag ang Palasyo tungkol dito.