August 17, 2026

Home FEATURES Human-Interest

‘Naghahanap ng solusyon sa baha?’ Maayos at responsableng paraan ng pagtatapon ng basura

‘Naghahanap ng solusyon sa baha?’ Maayos at responsableng paraan ng pagtatapon ng basura
Photo courtesy: Mark Balmores (MB)

Hindi napigilan ng netizens na i-ere sa social media ang kanilang pagkadismaya nang nag-viral ang mga litrato at video ng mga lumutang na tone-toneladang basura at debris sa Redemptorist Water Channel sa Parañaque dahil sa pagbabaha dala ng sunod-sunod na pag-ulan. 

Saad ng ilan, mga mamamayan na mismo ang problema sa “dagat ng basura” na ito dahil kung saan-saan umano nila itinatapon ang mga kalat nila. 

Anila pa, walang disiplina at balahura umano ang mga nagtatapon ng mga kalat nila, na nauuwi sa pagkatambak nito sa mga ilog. 

Kaya sa Facebook post ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Gen. Manager Nicolas Torre III noong Martes, Agosto 11, inamin niyang hindi ito kayang solusyonan mag-isa ng pamahalaan. 

Pag-amin niya, “Lilinisin natin ito. Aalisin natin ang basura. Gagawin ng gobyerno ang trabaho nito. Pero pagkatapos nating linisin, paano natin sisiguraduhin na hindi na ito babalik sa ganito?”

Human-Interest

ALAMIN: Color-coded rainfall warnings at emergency alerts tuwing masama ang panahon

MAKI-BALITA: Torre sa dagat ng basura: ‘Di ito kayang solusyunan ng MMDA’

Sa update naman ng Manila Bulletin nitong Lunes, Agosto 17, nakuhanan ng litrato ang isang matandang lalaki na nagtatanggal ng basurang nakabara sa isang kanal gamit ang kaniyang kamay sa kahabaan ng Padre Burgos Avenue sa Maynila. 

Dahil sa problemang ito, paano nga ba maging responsable sa pagtatapon ng mga basura? 

Nakalathala sa Republic Act No. 9003 o ang “Ecological Solid Waste Management Act of 2000,” ang maayos na segregation o paghihiwalay ng mga basurang itatapon.

Direktiba rito ang pagmamarka ng mga paglalagyan ng basura bilang “compostable,” “non-recyclable,” “recyclable,” at “special waste.” 

Ang “compostable” ay mga basurang binubuo ng organic materials at ilan sa mga halimbawa nito ay tira-tirang prutas at gulay, coffee grounds, balat ng itlog, at mga dahon. 

Ang “non-recyclable” wastes ay mga basurang hindi na maaaring gamitin muli at ilan sa mga halimbawa nito ay styrofoam, plastic wrappers, karton, at bubog mula sa salamin o ceramics. 

Sa kabilang banda, ang “recyclable” wastes ay mga basurang maaari pang gamitin muli tulad ng paper at cardboard, metal, at salamin. 

Panghuli, ang special waste ay mga basurang kinakailangan ng espesyal na pagtatapon at transportasyon dahil sa kakaiba nitong kemikal o pisikal na kaanyuan. 

Ilan sa mga halimbawa nito ay medical o biomedical wastes, mga patay na hayop, asbestos, at kontaminadong lupa. 

Sa ilang local government unit (LGU) sa bansa, direktiba nila sa mga residente nila ang tila maliliit na bagay ngunit nakatuon sa pangmatagalang epekto sa kanilang lungsod: 

- Iwasang pagtatapon ng candy wrapper sa mga kalsada, at kung hindi maiiwasang kumain ng candy, ibulsa na lamang ang balat nito at itapon sa basurahan. - Pagsasayos ng mga basura at paglalagay nito sa mga isang lalagyanang hindi naaabot ng tubig. 

Sa dagdag na pag-aaral ng The Nature Conservancy, ipinapayo rito ang pag-iwas sa paggamit ng “single-used” plastics dahil ito ang isa sa mga nangingibaw na kalat sa mga basurang naitatapon sa araw-araw. 

Anila pa, kung kayang ilipat sa digital ng mga dokumento, mainam ito para sa pagbabawas ng basura mula sa printed na mga kagamitan, gayundin sa enerhiyang nakokonsumo sa printing nito. 

Ayon naman sa United Nations Environment Programme (UNEP), mahalagang tandaan na nakadaragdag din sa dagsa ng mga basura ang tira-tirang pagkain, kaya mainam na bilhin lamang ng mga konsyumer ang mga kailangan nila at maging maagap sa pag-iimbak nito.