August 17, 2026

Home BALITA National

Sen. Erwin Tulfo sa ‘language barrier’ issue ng hostile witness: ‘Tama na ang panloloko sa atin!’

Sen. Erwin Tulfo sa ‘language barrier’ issue ng hostile witness: ‘Tama na ang panloloko sa atin!’
Photo courtesy: Senate of the Philippines (FB)/Mark Balmores (MB)

Kinuwestyon ni Senator-Judge Erwin Tulfo ang hindi raw pagkakaintindi ng dating special disbursement officer (SDO) ni Vice President Sara Duterte na Gina Acosta sa wikang Filipino o wikang Ingles habang nakasalang sa pagpapatuloy ng impeachment trial nitong Lunes, Agosto 17.

Si Acosta, ang hostile witness ng prosecution panel kaugnay sa sinasabing confidential fund ni VP Sara.

Sinabi ng prosekusyon na magiging mahalaga ang testimonya ni Acosta sa impeachment trial dahil hawak niya ang posisyon bilang SDO nang maglabas at gumastos ang OVP ng ₱125 milyong confidential funds sa loob lamang ng 11 araw, na umano’y walang sapat na liquidation documents.

Sa pagtatanong sa kaniya ni Atty. Amando Ligutan ng prosecution, makailang-beses nagsabi si Acosta na hindi niya naiintindihan ang ilang mga salita sa tanong dahil nasa wikang Tagalog ito, dahil siya ay gumagamit at nakauunawa ng wikang Bisaya.

Kaya naman, nagkasundo na lamang na magkaroon ng interpreter para sa kaniyang mga sagot, na hindi niya maiwasang banggitin sa wikang Bisaya.

National

'Nagagalit na ang Diyos!' Rep. Abante, binira 'di pagsipot ni VP Sara sa impeachment

Maya-maya, tumayo na si Senator-Judge Erwin Tulfo at nagbitiw ng kaniyang manifestation tungkol dito. Giit ni Tulfo, may kopya raw siya ng transcript ng mga naging sagot ni Acosta sa pagtatanong sa kaniya ni Batangas 2nd District Rep. at lead prosecutor Gerville Luistro sa naganap na pagdinig tungkol sa impeachment sa House Committee on Justice.

Nauna nang tumestigo si Acosta sa Kamara at sinabi niyang mismong si VP Sara ang nag-utos sa kaniya na ilipat ang ₱500 milyong confidential funds kay Col. Raymund Dante Lachica, na noo’y pinuno ng Vice Presidential Security and Protection Group (VPSG).

“I have here the transcript of the hearing in Congress. Hindi ko po maintindihan bakit parang dito hirap na hirap po siya mag-Tagalog, when in fact, sa Congress po noong November, Tagalog naman po ang sagot niya," anang senador-judge.

"Dito po sumasagot naman po siya, English, Tagalog… Tama na po itong panloloko sa atin. Please, Mr. President, compel this witness to talk in Tagalog. Kahit po yung mga Bisaya po nakakaintindi ng Tagalog, nakakasalita ng Tagalog. Ano tayo, sa ibang bansa? Ano tayo, mga Hapon, mga Chinese?"

Dahil dito, ipinag-utos ni Presiding Officer at Senator-Judge Chiz Escudero na gamitin ang wikang Filipino at wikang Ingles sa pagtatanong at pagsagot ni Acosta.

Samantala, sinabi noon ng testigong mula sa Commission on Audit (COA) na si Xylene Mae Del Campo na lumabag ang naturang paglilipat sa Joint Circular 2015-01, na nagtatakda ng mga panuntunan sa paggamit ng confidential funds.

Batay sa patakaran, ang SDO lamang—at hindi isang third party—ang awtorisadong maglabas ng naturang pondo.

Kaugnay na Balita: Maligamgam na tubig, nurse at interpreter, inihanda ng impeachment court para kay Gina Acosta