Humarap nitong Lunes, Agosto 17 ang ikaanim na testigo para sa pagpapatuloy ng impeachment trial para kay Vice President Sara Duterte.
Si Gina Acosta ang iniharap na witness ng House Prosecution Panel na siya namang dating special disbursing officer ng Office of the Vice President (OVP).
Sa pagsisimula ng paglilitis at matapos makapanumpa ni Acosta, inanunsyo ni Presiding Officer at Senator-Judge Chiz Escudero na may mga naka-standby na medical personnel sa loob ng impeachment court para mismo kay Acosta.
Matatandaang minsan nang humarap noon sa Kamara si Acosta hinggil pa rin sa kaugnayan niya sa confidential funds ni VP Sara, kung saan kinailangan siyang dalhin noon sa ospital dulot ng kaniyang blood pressure.
"Ms. Gina, and also for the information of the counsel for the parties, we have on-hand a nurse from the Senate, and on-call the doctors of the Senate, given that in the last appearance of Ms. Gina before the House, I believe your blood pressure increased a bit," ani Escudero.
Hirit pa ng presiding officer, "So, we’re just exercising some precautions with respect to this. But please try to be relaxed, Ma’am."
Maya-maya pa, humingi na rin ng tubig si Acosta kung saan mas pinili niya ang maligamgam na tubig, na pinagbigyan naman ng Senado.
"Kung meron lang po sir maligamgam, mas better po," saad ni Acosta.
Sa pagsisimula ng pagtatanong kay Acosta, pansamantalang sumingit si Escudero at iginiit kung maaaring makapagtagalog si Acosta. Napag-alaman namang hindi raw kaya ni Acosta na makapagsalita nang tuwirang Tagalog at maging ng wikang Ingles, kung kaya't napagpasyahan lamang ng korte na magkaroon ng interpreter para sa mga isasagot ng nasabing testigo.
Nagtapos ang impeachment trial nitong Lunes sa ganap na 2:00 ng hapon bunsod ng umiiral na sama ng panahon. Nakatakdang magbalik ang paglilitis, sa Martes, Agosto 18.