“T*n*i*a mo, 911. T*n*i*a mo, Pilipinas.”
Ito ang emosyonal na saad ng isang netizen sa kaniyang viral social media post matapos mamatay ang ama niya dahil sa umano’y mabagal at kulang-kulang na medical assistance ng Unified 911.
Sa Facebook post ng netizen na si Basty Askri nitong Sabado, Agosto 15, ikinuwento niyang halos 10 minuto siyang tumawag sa 911 upang humingi ng tulong para sa ama.
Nang may sumagot na raw sa linya, puro “wait” naman daw ang narinig niya at mga tawanan at chikahan habang siya ay lubos nang nangangailangan ng emergency assistance.
“Halos 10 minutes na akong tumatawag sa 911 pero wala pa ring sumasagot. At nung may sumagot na, putangina, puro "wait". Rinig na rinig ko pa yung tawanan at chikahan habang may taong nangangailangan ng emergency assistance,” saad ni Basty.
Nang inatake na ng sakit ang ama, ikinuwento ni Basty na nagsagawa na siya ng cardiopulmonary resuscitation (CPR) habang hinihintay ang ambulansyang itinawag sa 911.
“Tapos inatake na ang tatay ko. Ako mismo ang nag-CPR sa kanya. Ang tagal kong nag-CPR habang hinihintay namin ang ambulansya,” saad ni Basty.
Pagdating naman daw ng ambulansya, kulang-kulang umano ang mga gamit dito at wala rin daw pumalit sa kaniya sa pag-CPR sa ama.
“At nung dumating na ang ambulansya, walang AED. Walang sapat na gamit. Walang pumalit sa akin sa pag-CPR. Ako pa rin ang gumagawa ng CPR. T*n*i*a, ano 'to?” emosyonal na saad ni Basty.
Ipinaliwanag ni Basty na hindi “tantrums” ang dahilan ng kaniyang post kung hindi “awareness” ng publiko sa umano’y kabulukan ng sistema sa Pilipinas.
Dagdag pa niya, nakapagmura siya sa post dahil galit siya at disyamado sa umano’y hirap na kailangang pagdaanan para lang makahingi ng emergency assistance kapag kinakailangan ito ng isang mahal sa buhay.
“I post this hindi dahil nag-tatantrums ako or what. Pinost ko to dahil gusto ko marealize ninyo na dapat lang magalit kayo sa kabulukan na s[i]stema ng [P]inas. I love [T]aguig a*p*ta p*ky* [T]aguig,” emosyonal na pahayag ni Basty.
“Nagmumura ako kasi galit ako Galit ako dahil naranasan ko mismo kung gaano kahirap humingi ng emergency assistance kapag ang mahal mo sa buhay ay nangangailangan nito. T*n*i*a at kung di ka pa galit sa systema, bakit?” dagdag pa niya.
Matatandaang unang inanunsyo ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang pagkasa ng Unified 911 sa buong bansa noong Setyembre 11.
Ito ay isang single hotline na pumalit sa higit 30 lokal na emergency numbers na layong tiyakin ang kaligtasan ng bawat pamilya at komunidad sa bansa.
Paliwanag ng DILG, ang linya ng Unified 911 ay libre at bukas 24/7 habang limang minuto naman ang target reponse nito.
MAKI-BALITA: ‘Help is on the way:’ Unified 911 hotline, ikakasa na sa Setyembre 11
Habang isinusulat ang artikulong ito, nakipag-ugnayan na ang Balita sa DILG at Taguig City local government unit (LGU) para hingin ang kanilang pahayag hinggil sa insidente.
Sa kasalukuyan wala pa silang tugon o inilalabas na anumang pahayag sa kanilang social media pages.