Matagumpay na nahuli ang isang cobra na naninirahan sa tapat ng isang elementary school sa Kawit, Cavite noong Biyernes, Agosto 14.
Mapapanood sa kuhang video ng residenteng si Mark Bryan Borras na maingat na hinuhuli ng responders ang cobra mula sa likod ng isang puno habang maririnig din ang pagsigaw ng ilan pang nanonood sa paghuli.
Habang dahan-dahan din itong hinihila ng responder palabas ng bakuran, makikita ang pagiging bahagyang agresibong kilos ng cobra.
Kaya sa caption na ibinahagi ni Mark na bagama’t nahuli na ito, pinangangambahan nila sa Brgy. Pulvorista na posibleng iba pa ito sa unang nakita ng kapatid niya noong nakaraang Biyernes, Agosto 7.
Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Mark, ibinahagi niyang naninirahan ang cobra sa isang bakuran nang matagpuan niya ito sa tapat ng Florante Ilano Memorial Elementary School.
Aniya, sa pagkabigla ng kapatid ay umuwi ito sa bahay nila para kuhain ang kaniyang cellphone, at pagbalik niya, nandoon pa rin daw ang cobra.
Nakuha pa raw ibuka ng cobra ang mga palikpik nito nang kuhanan ng litrato ng kapatid.
Matapos ang isang linggo, dito pa lang daw nahuli ang cobra sa tulong ng snake rescuer at wildlife content creator na si “Tol Cobra,” na tinawagan ng kapitan ng Brgy. Pulvorista dahil nababahala na ang iba pang residente dahil nasa tapat ito ng elementary school.
Nang tanungin sa magiging lagay ng cobra matapos ang paghuli, ibinahagi ni Mark na pakakawalan rin daw ito dahil sa pagiging agresibo.