Tumirada si Manila 6th district Rep. Bienvenido "Benny" Abante, Jr., sa hindi pagsipot at pagpapakita ni Vice President Sara Duterte sa gumugulong na Senate impeachment trial laban dito.
Sa naging pahayag ni Abante matapos ang impeachment trial nitong Lunes, Agosto 17, 2026, pumatutsada siyang mukhang nagagalit na rin daw ang Diyos sa hindi pagsipot ni VP Sara kaya pinapayagan na rin nito ang pagbaha sa Luzon.
“Siguro puwede ko rin sabihin ito bilang bishop. Mukhang pati ang Diyos, nagagalit na dito, e. Ina-allow na niya ‘yong baha, e,” pagsisimula niya.
Ani Abante, dapat daw na humarap si VP Sara sa impeachment trial sa halip ng pagpunta umano nito sa iba’t ibang mga bansa.
“Baha na sa buong Luzon. Anong ginagawa ng ating Vice President? Nagpupunta sa iba’t ibang mga bansa. Just imagine, meron tayong impeachment court dito. Dapat humaharap siya. Nasaan siya?” aniya.
Dagdag pa niya, “Gusto kong tanungin, nasaan ba siya ngayon? Meron akong nakita na video [na] sumasayaw pa siya, e. Nasaan ba siya ngayon? ‘Yon ang tanong natin, nasaan ngayon ang Vice President?”
Tirada ni Abante, nagagalit na raw ang Diyos kaya lumalabis ang pagbaha at gumagastos ng milyon-milyong buwis ang gobyerno para sa impeachment trial ngunit pa rin lumilitaw si VP Sara.
“Bumabaha na, nagagalit na ang Diyos, pati ang taumbayan [ay] napapagod na rin, at gumagastos tayo ng milyon-milyong buwis dito sa ibinibigay ng mga Pilipino,” diin niya.
“Humarap ka na. Humaharap ka na para matapos na ito,” pagtatapos pa ng mambabatas.
Samantala, habang sinusulat ito, wala pa namang inilalabas na pahayag, tugon, o reaksyon si VP Sara kaugnay rito.
KAUGNAY NA BALITA: Rep. Abante, nabahala: 'Binaha ng pera ang confidential funds!'