Tila nabahala at ikinagulat umano ni Manila 6th district Rep. Bienvenido "Benny" Abante, Jr., ang inilahad sa Senate impeachment court ng testigong si dating Special Disbursing Officer (SDO) Gina Acosta kaugnay sa nakubra umano nilang ₱125 milyong confidential funds noon.
Ani Acosta sa ikinasang ika-16 na araw ng impeachment trial nitong Lunes, Agosto 17, 2026, si Vice President Sara Duterte umano ang nag-utos upang ma-encash ₱125 milyong tseke para sa confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) noong Disyembre 2022.
Inilahad din ni Acosta na ibinigay umano niya ang naturang halaga sa dating Vice Presidential Security and Protection Group (VPSG) head na si Col. Raymund Dante Lachica.
Sa naging pahayag naman ni Abante sa ikinasang press conference ng Kamara nito ring Lunes, sinabi niyang nakakapagtaka raw na maaari pala umanong kubrahin nang isang beses ang halagang aabot sa ₱125 milyon.
“Nakakagulat, nakakapagtaka na puwede palang mag-withdraw ng ₱125 million [na] isang withdrawal sa LandBank. Kahit sinong public official, hindi puwedeng mag-withdraw ng ganiyang kalaki,” pagsisimula niya.
Buwelta ni Abante, tila binaha raw ng pera ang nakubrang confidential funds ng OVP noon kagaya umano ng kinakaharap na labis-labis na pagbaha ng taumbayan
“Pero alam n’yo, ang nakakabahala dito ay tulad po ng baha na nangyayari ngayon. Binaha ng pera ang confidential fund. Katulad po ng baha ngayon, hindi alam kung saan nanggaling, hindi alam kung saan napunta,” aniya.
Diin pa ng mambabatas, “Ang gustong malaman ng taumbayan natin, ito, kanino po napunta ang ₱125 million na ‘yan kung si Colonel Lachica ay hindi recipients—na inamin din naman ni Gina Acosta. Siya lamang ay ang taga-distribute.”
Pagpapatuloy ni Abante, dapat daw na ilabas ng defense counsel kung kanino naibigay ang naturang halaga ng confidential funds na kinubra noon nina Acosta at Lachica.
“So what we would like to find out, sa ating taumbayan, kung kanino po ibinigay ang ₱125 million, doon dapat ilabas ng kampo ng bise presidente,” pagtatapos pa niya.
KAUGNAY NA BALITA: Atty. Kapunan, Atty. Ferrer matapos magyakapan: 'She called me 'Mommy''
KAUGNAY NA BALITA: Atty. Kapunan, Atty, Ferrer nagyakapan