August 16, 2026

Home FEATURES

#BalitaExclusives: Paggamit ng AI sa akda, aprub sa writers?

#BalitaExclusives: Paggamit ng AI sa akda, aprub sa writers?
Photo Courtesy: Ralph Mendoza/BALITA, via MB

Naging mitsa ng debate ang tema ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) na "Wikang Filipino at AI: Kasangkapan sa Pananaliksik at Tulay sa Yaman ng Impormasyon."

Ito ay bilang bahagi ng pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa, alinsunod sa Proclamation No. 1041 na nilagdaan ni Pangulong Fidel Ramos. 

KAUGNAY NA BALITA: #BalitaExclusives: KWF, inilatag ‘responsableng’ paggamit ng AI para sa Filipino!   

Tila malamig pa rin kasi ang pagtanggap ng ilan sa AI, lalo na raw sa gitna ng isyu sa Pax Silica, pagkawasak ng mga lupang ninuno, at mga katutubong wika. 

Maki-Balita: ‘Perwisyo o benepisyo?’ Mga dapat malaman tungkol sa Pax Silica

Trending

#BalitaExclusives: Cobra, nahuli sa tapat ng isang eskwelahan sa Kawit; mga residente, umaasang isa lang ito!

Sa isang Facebook post ni S.E.A. Write Awardee at dating KWF Commissioner Jerry Gracio noong Hulyo 23, kinuwestiyon niya ang tema ng nasabing pagdiriwang.

Aniya, "Tutulungan ba ng AI na palakasin ang ating mga wika o tayo ang tutulong sa AI para palakasin ang kanyang wika." 

"Ang hirap kapag ang mga patakaran at tunguhing pangwika ay nagmumula sa mga opisyal na dahop na ang kaalaman sa wika, wala pang alam sa AI pero nagsasalita tungkol sa wika at AI na parang humingi lang ng tulong sa AI para maghanap ng tema," dugtong pa ni Gracio. 

Ngunit ano pa nga ba ang pananaw ng ilang manunulat sa isyung ito?

Sa ginanap na The Philippine Readers and Writers Festival 2026 sa Araneta City, Cubao, Quezon City nitong Linggo, Agosto 16, eksklusibong nakapanayam ng Balita si Ken Ricafort, may-akda ng “Mi Mento” na koleksyon ng maiikling kuwento at tula.

Naitanong kay Ricafort kung paano niya hinaharap ang mga pagbabago sa creative industry, partikular na ang panghihimasok ng AI. 

“Para sa akin,” sabi ni Ricafort, “AI or artificial intelligence ay isang tool na puwede mo siyang gamitin para kung gusto mong makipagbatuhan ng ideas, puwede siya.”

Pero hindi raw kinakailangang iasa lahat sa AI ang pagbuo ng akda. 

"Puwede mo siyang utusan na 'Tulungan mo ako magbigay ng mga research… tungkol sa mga ganitong lugar.' Doon ko na pag-aaralan 'yong mga gusto kong topic. Kumbaga, kakailanganin ko siya to make my research easier," paliwanag pa niya.

Ganito rin halos ang pananaw ng fiancée ni Ricafort  na si Ayu de Pano na isa ring creative professional. Siya ang naglapat ng kulay sa mga artwork na nasa "Mi Mento."

Aniya, "At the end of the day, it is a tool. It does like something na puwede mong pagbatuhan and get ideas. Like he said kanina, you cannot rely on it completely.”

Kaya naman paalala ni De Pano sa mga baguhang manunulat, nakasalalay pa rin daw ang magiging resulta ng akda sa imahinasyon.

“AI is still a machine at the end of the day. What comes out of our human minds, out of our human imagination, ‘yon ang sikreto sa lahat ng books natin,” anang creative professional.

Sabi naman ni Ricafort, “When you start writing, you should compartmentalize yourself if you want to be a writer for yourself, or you want to do it for work. Kasi, just because nakapag-publish ka na hindi ibig sabihin kikita ka na ng pera.”

Samantala, binigyang-diin naman ni Dr. Christine Bellen-Ang panganib na dulot ng teknolohiya sa kalikasan sa kabila ng katotohanan na nakakatulong ito sa araw-araw na pamumuhay. 

Si Bellen-Ang ay propesor sa Ateneo de Manila University (ADMU) at may-akda ng nobelang pambata na pinamagatang "Monay Dipasupil."

“Kahit na ang teknolohiya ay ginagamit natin, nagpapadali ng buhay natin, nagpapaunlad sa atin, sa sibilisasyon. Pero sumisira rin ito dahil ang una ring nasasalanta ay kalikasan kapalit ng teknolohiya at modernisasyon,” saad ni Bellen-Ang.

Sa huli, sinabi niyang ang totoong hamon daw para sa mga batang manunulat ay hindi lang makapagsulat at makapaglathala, kundi kung paano rin isasaalang-alang ang magiging epekto ng akda sa mga mambabasa.

Inirerekomendang balita