July 26, 2026

Home FEATURES

#BalitaExclusives: KWF, inilatag ‘responsableng’ paggamit ng AI para sa Filipino!

#BalitaExclusives: KWF, inilatag ‘responsableng’ paggamit ng AI para sa Filipino!
Photo courtesy: KWF (FB)

Hindi maikakailang patuloy nang umuusbong ang Artificial Intelligence (AI) sa moderno at progresibong mundo. 

Kaya nga at nariyang naglitawan ang mga advanced artificial intelligence chatbot halimbawa ng “ChatGPT,” “Google Gemini,” “Meta AI,” “Grok” sa platform na “X” at marami pang iba. 

Sa kabila ng modernisasyong ito, malugod nang isinusulong ng Komisyon ng Wikang Filipino (KWF) ang responsableng paggamit ng AI upang palakasin at payabungin pa ang wikang Filipino, lalo na ang pagpapanatili sa mga katutubong wika. 

Nitong Hulyo 23, 2026, ikinasa ng KWF ang press launching nila sa para pagdiriwang ng Buwan ng Wika 2026 sa darating na Agosto at may tema itong “Wikang Filipino at AI: Kasangkapan sa Pananaliksik at Tulay sa Yaman ng Impormasyon.” 

Ngunit ang tanong: Paano nga wastong maituturo sa kabataan, bilang silang higit na makikinabang sa pagkasangkapan ng AI, ang responsableng paggamit nito para palakasin pa wikang Filipino? 

Human-Interest

#BalitaExclusives: Pasado na, nag-top pa! LEPT topnotcher muntik umatras sa pagkuha ng board exam, bakit?

Sa eksklusibong panayam ng Balita sa Punong Komisyoner ng KWF na si Atty. Marites Barrios-Taran nito ring Huwebes, sinabi niyang higit na mahalaga raw ang pagtuturo ng responsableng paggamit ng AI ng mga magulang at guro sa kabataan. 

“Kaya lagi naming kinakausap ang mga magulang, lagi naming kinakausap ang mga paaralan sa pamamagitan ng mga guro na sila ang maghikayat sa mga batang mag-aaral na gamitin nang responsable ang AI,” pagsisimula niya. 

Diin ni Taran, hindi lang daw para sa pagsasalin at pag-uutos ang wastong paggamit ng AI kundi dapat daw na ito ang inuutusan ng mga tao para sa ikabubuti ng kabataan. 

“Ang AI ay hindi lang para magsalin, ang AI ay hindi lang para mag-utos, ito ang sa katotohanan ang dapat na inuutusan para gawin kung ano ang makakabuti sa bata,” ‘ika niya. 

Dagdag pa niya, “Sa katunayan, hindi namin adbokasiya ‘yong sabihin na ‘Gumawa ng isang talata na tumutungkol sa kagandahan o kagalingan ng wikang Filipino.’ Hindi ganoon.”  

Ani Taran, mas hinikayat daw nila ang mga guro na turuan ang mga mag-aaral sa wastong pag-uutos o pagtatanong sa AI kung paano sila makakapagsulat ng mga pangungusap o talata. 

“Kung hindi hinihikayat namin ang mga guro, ang mga mag-aaral na turuan, ‘Paano ba ang maging maganda at maging malikhain ang aking talata o pangungusap tungkol sa isyu na ito.’ Ganoon,” aniya. 

Pagpapatuloy ni Taran, hindi raw maaaring magmistulang robot ang mga tao o mag-aaral at mahalaga raw na mananatili pa rin ang likas na talino ng mga ito sa paggamit ng AI. 

“Gamitin natin ito sa paraan na nandoon pa rin ang talino ng tao. Hindi puwendeng para tayong robot,” pagtatapos niya. 

Samantala paalala ni Taran, dapat daw na mag-ingat naman ang kabataan at publiko sa maaaring ibigay na fake news o misinformation ng AI upang hindi raw ito magdulot ng “trickle-down effect.” 

Anang Tagapangulo, may mga isinusulong din ang KWF at iba pa nilang katuwang na organisasyon ng libreng seminar para sa kabataan sa wasto at etikal na paggamit ng AI. 

KAUGNAY NA BALITA: #BalitaExclusives: Komisyoner ng KWF, nagkomento sa paggamit ni Atty. Ligutan ng Waray sa impeachment trial!