Nagkomento ang Fultaym Komisyoner sa Pangasiwaan at Pananalapi ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) na si Dr. Benjamin Mendillo, Jr., kaugnay sa naging paggamit ng wikang Waray ni pro bono private prosecutor Atty. Amando Virgil Ligutan sa Senate impeachment trial noong Lunes, Hulyo 13, 2026.
“Kitam magpapadayon han aton mga pakiana ngan imo pagbaton han aton,” ani Ligutan.
Mariin namang umalma rito si Atty. Mark Vinluan, mula sa defense panel, at iginiit niyang dapat daw na Filipino o English lang na mga wika ang gagamitin nila sa loob ng Korte.
“Your Honor, Filipino language encompasses all the languages, dialects. It includes our very own Waray-Waray,” depensa naman ni Legutan.
Dahil dito, naging mainit na usapin sa publiko ang depinisyon ng Filipino bilang pambansang wika ng Pilipinas, at ang koneksyon ng Tagalog, Waray, at iba pang rehiyonal na wika sa Filipino bilang kabuoan.
Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Mendillo matapos nilang isagawa ang “Kapihang Wika: Semestreng Ulat ng KWF” sa Philippine Information Agency (PIA) sa Quezon City nitong Miyerkules, Hulyo 15, sinabi niyang Filipino raw ang opisyal na wikang pambansa ng Pilipinas alinsunod sa Article XIV, Section 6 ng 1987 Philippine Constitution.
Giit naman niya, “At sa [Article XIV], Section 7 naman, lilinlangin ito ng mga wika ng Pilipinas. Ang Waray ay isa sa mga regional languages.”
Ani Mendillo, maituturing daw na isang auxiliary language ang naging paggamit ni Ligutan ng Waray sa impeachment trial noong Lunes, ngunit nilinaw rin naman daw ng presiding officer na si Senator-Judge Chiz Escudero na tanging mga wikang Filipino o English ang kanilang gagamitin sa loob ng Korte.
Diin ni Mendillo, doon daw nagsimulang magkaroon ng diskusyon sa loob ng impeachment court kaugnay sa naturang usapin.
Paliwanag ni Mendillo, bagaman at bumatay daw sa batas ang parehong panig sa loob ng Korte, idiniin niyang dito raw papasok ang kahalagahan ng pagbibigay ng malinaw na depinisyon ng Filipino, alinsunod sa Executive Order (EO) ni dating Pangulong Manuel L. Quezon noong Disyembre 1937.
“Dahil diyan, naging batayan ang wikang Tagalog o pundasyon ng wikang Filipino. Dahil diyan, lumawig ang ating paggamit ng wikang pambansa gamit ang instrumento at ortograpiya ng wikang Tagalog,” aniya.
Paghihimay ni Mendillo, may mga sinusunod daw na antas para maipasok bilang pambansang wika ang isang wika alinsunod sa mga sumusunod:
“Una, ‘yong tinatawag natin innovation. Merong tinatawag tayong information gap o communication gap. Kailangang lumikha ng mga salita. Kaya nga pumapasok diyan ‘yong mga neolihismo. Kung hindi naman sasapat ‘yong ating national language, puwedeng manghiram ito. ‘Yon ‘yong borrowing naman ng innovation,” ‘ika niya.
Dagdag pa niya, “Ang pangalawang antas para pumasok siya antas pambansa ay kailangang mayroong diffusion. Ang diffusion, kailangang kalat ito. Hindi lang sa isang rehiyon kundi sa buong bansa. Kung magkakaroon ng mutual intelligibility ang lahat ng bansa sa paggamit halimbawa ng Waray, makikilala itong pambansa.”
Anang komisyoner, “Panghuli ay ‘yong lexicalization. Ang lexicalization, ibig sabihin, naka-integrate na siya sa convention ng writing at kinikilala ng maraming speech community.”
Pagpapatuloy ni Mendillo, nagkaroon daw ng magandang epekto ang naging pagtatalo ng publiko kaugnay sa depinisyon ng Filipino, mga rehiyonal na wika, at mga pamantayan kung kailan maaaring maging antas pambansa ang mga salita sa kamalayan ng marami.
“Maganda ito sapagkat ito ay nakakagising sa kamalayan ng madla kung ano nga ba ang depinisyon ng Filipino, ano nga ba ang mga rehiyonal na mga wika sa Pilipinas, at [kung] papaano ba pumapasok sa antas pambansa ang mga salita,” pagtatapos pa niya.
KAUGNAY NA BALITA: ALAMIN: Mga salita sa wikang Filipino na walang direktang English translation