Isa na marahil sa mga hamong kinakaharap ng maraming manunulat sa Filipino kung papaano gagamitin nang tama sa pangungusap ang “nang” at “ng.”
Hindi naman ito nakapagtataka dahil kung tutuusin, noong panahon ng mga Kastila, “nang” lang ang ginagamit at hindi umiiral ang “ng.”
Ligtas sigurong sabihin na maaaring ito ang ugat ng kalituhan ng marami.
Kaya naman may mangilan-ngilan daw na nagmumungkahing “nang” na lang ang gamitin at ietsa-pwera na ang “ng.” Ngunit atrasado raw ang ganitong pananaw.
Di bale, may inilatag namang limang tuntunin ang Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) na dapat tandaan para matukoy kung paano gamitin nang tama ang "nang."
Ayon sa Manwal ng Masinop na Pagsulat ng KWF, ginagamit ang "nang" bilang panumbas sa "noong."
Halimbawa, “Madaling-araw nang umano’y tumakas si Sen. Ronald "Bato" dela Rosa sa Senado.”
Ikalawa, ginagamit din daw ang "nang" bilang panghalili sa "upang" o "para."
Halimbawa, "Nagsumite si Sen. Panfilo 'Ping' Lacson ng mga ebidensiya sa Office of the Ombudsman (OMB) nang maimbestigahan ang umano'y ghost projects sa Taguig.
Ikatlo, puwede ring gamitin ang "nang" bilang kombinasyon ng "na" at "ng."
Halimbawa, "Kinain nang social media ang buong oras niya.”
Ikaapat, ginagamit ang "nang" para ilahad ang paraan o sukat (pang-abay na pamaraan at pang-abay na panggaano).
Halimbawa, "Umiyak nang todo si Sen. Pia Cayetano matapos ang shooting incident sa Senado."
O kaya naman, "Sinaksak nang patalikod ang biktima.”
Ikalima, ginagamit daw ang "nang" bilang pang-angkop ng inuulit na salita.
Halimbawa, "Binaril nang binaril ng pulis ang pinagsuspetsahang adik hanggang sa mamatay."
Ngunit kinakailangan daw ingatang pagdikitan ang "na" at "ang." Madalas kasing napagkakamalan na "nang" ang kontraksiyon ng "na" at "ang." Gaya halimbawa ng "Talamak nang krimen sa bansa."
Ganito raw dapat ang angkop na ayos ng naturang pangungusap: "Talamak na'ng krimen sa bansa." Kinakailangan daw itong kudlitan upang ipahiwatig ang naganap na kontraksiyon ng "na" at "ang".
Samantala, para matukoy ang angkop na paggamit ng "ng," kailangang suriin kung sinasagot ba ng pangungusap ang tanong na "ano?"
Halimbawa, “Ano raw ang umano’y ibinato ni Vice President Sara Duterte kay Atty. Michael Poa? Binato raw ng laptop ni VP Sara si Atty. Poa.”
Ginagamit din ang "ng" kung may indikasyon ng pagmamay-ari ang pangungusap.
Halimbawa, "Pera ng taumbayan ang ginastos sa maanomalyang flood control projects."