Ngayong Agosto, pinaniniwalaan sa kulturang Chinese na bumubukas ang impyerno para bigyang-daan ang kaluluwa ng mga namayapa na tumawid sa mundo ng mga buhay at bumisita sa mga nabubuhay pa nilang mga kaanak.
Batay sa mga tradisyong Taoist at Buddhist, sa month-long celebration na ito ay kasama sa mga nakikisalamuha sa mga buhay ay ang mga malulungkot at gutom na kaluluwang naulila at walang maayos na paggunita.
Kaya sa iba’t ibang bansa, may kaniya-kaniyang paraan ng pagdiriwang para muling balikan ang mga naiwang alaala ng mga namayapa at maiwasang makapanakit at makapanggulo ang mga ito sa pinaniniwalaang pagbisita nila.
MAKI-BALITA: ALAMIN: Paano nga ba ginugunita ng ilang bansa ang ‘Ghost Month’?
Narito ang ilan pa sa mga kilalang pamahiing inoobserba ng marami tuwing “Ghost Month:”
Pagiging lapitin sa supernatural ng sinumang nasa gitna sa mga grupong binubuo ng tatlong tao
Pinaniniwalaang lapitin ng disgrasya ang mga magkakaibigang kadalasang binubuo ng tatlong tao dahil sinumang mapunta sa gitna tuwing naglalakad sa isang hilera o sa mga litrato ay na-eexpose sa supernatural na mga pangyayari.
Pinaniniwalaan ding kadalasan, nararamdaman ng taong nasa gitna ang mga supernatural na ito sa pamamagitan ng pagtaas ng balahibo sa katawan o kilabot sa kaniyang paligid.
Paggala ng mga kaluluwa tuwing hatinggabi
Itinuturing na “peak hour” ng mga kaluluwa ang 12:00 ng hatinggabi sa paggagala nila sa mundo ng mga buhay.
Ayon sa paniniwalang ito, mas nakikita ng mga buhay ang supernatural na ginagawa ng mga kaluluwa sa dilim kumpara tuwing liwanag.
Kaya ipinapaalala rito na umuwi bago ang hatinggabi at kung hindi maiiwasang magpagabi, iwasang lumingon kapag may hindi pamilyar na boses na maririnig o kaya’y may biglaang tumapik sa balikat.
Ang pagsusuot ng pula ay nakakapagtawag ng mga kaluluwa
Nakaugalian nang magsuot ng kulay pula tuwing may mga pagdiriwang ngunit sa Ghost Month, ipinagbabawal ito dahil ang kulay pula ay pinaniniwalaang nakakapagtawag ng mga kaluluwa.
Ang kulay pula ay pinaniniwalaan ding mainit sa mata ng mga kaluluwang pinatay at naghahanap ng hustisya.
Kaya bukod sa damit, ipinagbabawal din dito ang kulay pulang mga pang-ilalim na kasuotan dahil pinaniniwalaang nakikita rin ito ng mga kaluluwa.
Pagiging lapitin ng mga kaluluwa sa pag-iyak sa gabi
Pinaniniwalaang mababa ang enerhiya ng isang indibidwal na umiiyak kaya ipinapayo rito na iwasan itong gawin sa hatinggabi, sa oras na mas aktibo ang mga kaluluwa upang maiwasang masapian ng mga ito.
Pagkalunod ng sinumang lalangoy sa dagat
Ang mga kaluluwa tuwing Ghost Month ay hindi lamang limitado sa lupa dahil pinaniniwalaang umaaligid din ang mga ito sa mga katubigan.
Bukod dito, pinaniniwalaan ding mas pilyo at mapaghiganti ang mga kaluluwang nasa katubigan dahil humahanap sila ng mga masasapian para muling mabuhay sa pamamagitan ng pagpatay sa malulunod nilang biktima.
Ang mga pader ay nagsisilbing “hotspot” ng maraming kaluluwa
Batay sa pamahiing ito, “hotspot” ng mga kaluluwa ang mga pader dahil sa “yin” energy na inilalabas nito.
Kaya para mapanatiling ligtas ang sarili, ipinapayong iwasan muna ang pagsandal o paglapit sa mga pader, gayundin sa mga eskinita tuwing Ghost Month.
Pagsusuot ng mga anting-anting bilang proteksyon
Para mapanatag, pinaniniwalaang epektibong pantaboy ng mga masasamang kaluluwa ang mga anting-anting, isa man itong lucky charm o isang simbolong mula sa kinabibilangang relihiyon.
Pagtitiyak na maliwanag ang bahay para maitaboy ang masasamang kaluluwa
Dahil aktibo ang mga kaluluwa sa gabi at madidilim na lugar, pinaniniwalaang naitataboy ang mga ito sa pamamagitan ng maliliwanag na bahay dahil sa “positive energy” nito.
Bagama’t walang siyentipikong paliwanag na magpapatunay sa mga umano’y kamalasan at trahedyang napapabalita tuwing Ghost Month, mahalagang magbigay pa rin ng respeto sa iba’t ibang paniniwala para sa kapayapaan ng bawat isa.
KAUGNAY NA BALITA: BALITAnaw: Mga kontrobersiya, trahedyang nangyari sa Pilipinas sa kasagsagan ng Ghost Month
KAUGNAY NA BALITA: 'Huwag kang lilingon!' Paano maiiwasan ang malas ngayong 'ghost month?'