August 10, 2026

Home FEATURES BALITAnaw

BALITAnaw: Mga kontrobersiya, trahedyang nangyari sa Pilipinas sa kasagsagan ng Ghost Month

BALITAnaw: Mga kontrobersiya, trahedyang nangyari sa Pilipinas sa kasagsagan ng Ghost Month
FILE PHOTO

Sa mahabang panahon ng relasyon ng Pilipinas at China, hindi maikakailang umiral na rin ang paniniwalang Tsino sa mga pamahiin at mangilan-ngilang kultura sa bansa.

Kabilang na ang taunang Ghost Month—kung kailan sinasabing mas nagiging aktibo ang mga espiritu ng yumao at bumabalik sa mundo ng mga buhay. 

Sa mga pasalin-salin nang paniniwala, kalimitan nang naiuugnay ang Ghost Month sa konsepto ng kamalasan, pagkabigo o trahedya. Para sa ilan, maaaring simpleng pagkakataon lamang ang pagkakatapat ng mga petsa. Walang siyentipikong ebidensiyang nagpapatunay na may kaugnayan ang Ghost Month sa mga trahedya o kontrobersiya.

Kaya naman narito ang BALITAnaw sa mga kontrobersiya at trahedyang humulma sa kasaysayan ng Pilipinas, sa kasagsagan ng Ghost Month:

Agosto 21, 1971: Plaza Miranda bombing

BALITAnaw

BALITAnaw: 'Batas sa Sariling Wika' na isinusulong ni Rep. Chel noon pang Agosto 2025!

Apat na taon bago ang deklarasyon ng Martial Law, isang political rally sa Plaza Miranda sa Maynila ang nauwi sa madugong insidente.

Noong Agosto 21, 1971, sumabog ang mga granada sa entablado habang isinasagawa ang campaign rally ng Liberal Party. Siyam na katao ang nasawi at nasa 95 ang nasugatan.

Agosto 21, 1983: Pagpaslang kay Ninoy Aquino

Makalipas ang 12 taon, isa na namang makasaysayang trahedya ang naganap sa parehong petsa. Noong Agosto 21, 1983, binaril at napatay si dating senador Benigno “Ninoy” Aquino Jr. matapos siyang bumalik sa Pilipinas mula sa Estados Unidos. Ang kaniyang pagkamatay ay nagdulot ng malawakang galit at mga protesta laban sa administrasyon ni Ferdinand Marcos Sr.

Agosto 27–29, 1987: Nabigong kudeta laban kay Cory Aquino

Hindi rin nakaligtas sa tensiyon sa politika ang administrasyon ni dating Pangulong Corazon Aquino.Noong Agosto 1987, isang grupo ng mga rebeldeng sundalo ang nagtangkang pabagsakin ang pamahalaan ni Aquino. Nauwi sa sagupaan ang tangkang kudeta sa ilang mahahalagang pasilidad ng militar sa Metro Manila.Dose-dosenang katao ang nasawi at daan-daang ang nasugatan bago tuluyang mapabagsak ng puwersa ng pamahalaan ang rebelyon.

Agosto 13–15, 1989: Davao hostage crisis

Nagsimula ang insidente nang mang-hostage ang mga bilanggo sa isang pasilidad sa Davao, kung saan kabilang sa mga bihag ang mga miyembro ng isang religious group. Natapos ang krisis makalipas ang ilang araw na may 21 kataong nasawi, kabilang ang ilang hostage.

Hindi lamang sa mga lumang pahina ng kasaysayan makikita ang malalaking pangyayaring tumapat sa Ghost Month.

Sa mga nakalipas na taon, naging laman din ng mga balita ang ilang kontrobersiyang pulitika, alegasyon ng katiwalian at tensiyong kinasasangkutan ng bansa.

Agosto 23, 2010: Manila Hostage Crisis

Hinarang ang bus ng mga turistang mula Hong Kong sa Quirino Grandstand sa pangunguna ng dating pulis na si Rolando Mendoza. Nagtapos ito sa isang madugong barilan na ikinasawi ng 8 turistang Tsino at ng mismong hostage-taker. 

Agosto 18, 2012: Pagkamatay ni ex-DILG Sec. Robredo

Bumagsak ang Piper Seneca plane sa baybayin ng Masbate na kinasangkutan ni dating DILG Secretary Jesse Robredo at dalawang piloto. Natagpuan ang kaniyang bangkay matapos ang ilang araw na search operation. Tinawag mismo ni dating Pangulong Noynoy Aquino ang Agosto bilang "Ghost Month" ng kanilang pamilya dahil sa sunod-sunod na pagpanaw ng kaniyang mga mahal sa buhay sa buwang ito. 

Setyembre 8, 2025: Kudeta sa Senado

Setyembre 8, naging bahagi rin ng political fallout ng kontrobersiya ang pagpapalit sa liderato ng Senado matapos mapalitan si Sen. Chiz Escudero bilang Senate President ni Sen. Tito Sotto III. 

Sa huli, manatili man itong pamahiin o siyensya sa mata ng iba, hindi maikakaila ang pait na iniwan ng mga pambansang trahedyang ito sa kasaysayan ng Pilipinas. 

Ang Ghost Month ay maaaring paalala lamang mula sa kabilang buhay—na ang tunay na kinatatakutan ay hindi lamang ang mga multong gumagala sa dilim, kundi ang mga trahedya't kontrobersiyang naiiwan sa mga buhay.