Sa kabila ng pagod, kakulangan sa baon at pagsabay ng trabaho, pag-aaral, at pagiging isang cultural dance performer, hindi hinayaang maging hadlang ni Lenard Santos Mirandilla ang hirap upang maabot ang kaniyang pangarap na makapagtapos ng kolehiyo.
Para kay Lenard, hindi lamang diploma ang kaniyang ipinaglaban sa loob ng ilang taon. Kasabay nito ang pangarap na mabigyan ng magandang buhay ang sarili at pamilya, habang pinatutunayan sa kaniyang sarili na kaya niyang malampasan ang anumang pagsubok.
Nag-viral at pinusuan ng mga netizen ang kaniyang appreciation social media post para sa sarili matapos niyang ibida ang pagtatapos sa kolehiyo.
Si Lenard, 25, tubong City of San Jose del Monte, Bulacan, ay nagtapos ng Bachelor of Science in Business Administration major in Business Economics sa Bulacan State University–Main Campus, Class of 2026.
Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Lenard, bago siya naging luxury sales associate, naranasan niya ang hirap ng pagiging isang working student.
Nagtatrabaho siya bilang service crew sa isang fast-food restaurant malapit sa kanilang unibersidad habang nagsisikap na makasabay sa kaniyang academic responsibilities.
“Hindi po madali ang magtrabaho habang ako po ay nag-aaral dahil hindi po ako nakakapag-focus sa mga talakayan, pagsusulit at thesis,” kuwento ni Lenard.
Lima ang kaniyang mga kapatid, habang ang kaniyang ina ay isang housewife at ang kaniyang ama ay isang auto mechanic. Dahil hindi sapat ang kinikita ng tatay nila para sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan, napilitan siyang humanap ng paraan upang matustusan ang kaniyang pag-aaral at sariling gastusin.
Dito naging mahalagang bahagi ng kaniyang buhay ang pagsasayaw.
Bukod sa pagiging working student, naging cultural performer si Lenard at bahagi ng "Lahing Kayumanggi Dance Troupe" ng Bulacan State University (BSU).
Sa pamamagitan nito, nagkaroon siya ng pagkakataong makakuha ng scholarship at higit pang mahasa ang kanyang talento sa pagsasayaw.
Hindi lamang sa loob ng unibersidad nagningning ang kaniyang talento.
Nakilahok siya sa iba't ibang kompetisyon sa rehiyon at national stage, kabilang ang mga pagtatanghal sa CAASUC III at PASUC NCAF.
Kabilang sa kaniyang mga nakamit ang mga championship sa La Jota Moncadeña at Sala Ti Mais folk dance competitions, gayundin ang pagkamit ng runner-up finishes sa iba pang kompetisyon.
Naging performer din siya sa INDAK PILIPINAS 2023: Mga Tradisyon at Interpretasyon, PASINAYA 2024, at NCCA Sayaw Pinoy: Konsyerto ng mga Kampyon.
Isa sa mga pinakamalaking karanasan niya ang pagkakataong maging kinatawan ng Pilipinas sa Thailand Cultural Exchange Festival 2025 sa Surin, Thailand.
Para kay Lenard, higit pa sa isang performance ang pagkakataong iyon.
“Isa rin po sa naging milestone ko sa buhay ay isa po ako sa mga mapalad na napili upang mairepresenta ko po ang bansang Pilipinas taong 2025 sa Cultural Exchange Festival sa Thailand,” aniya.
“Dito po namin naipapakita kung gaano po ba kahitik at kayaman ang bansang Pilipinas.”
Sa kaniyang paglalakbay, hindi rin nawala ang mga taong patuloy na naniwala sa kakayahan niya.
Aniya, sila ang naging inspirasyon niya upang magpatuloy sa kabila ng pagod at mga pagkakataong kinukuwestiyon niya ang kanyang sarili.
Kaya naman kabilang sa mga ipinagmamalaki niyang pagkilala ang pagiging PUGAY Awardee–Student Performer at pagkakaroon ng Special Award mula Academic Year 2023–2026.
Sa likod ng mga medalya, palakpakan at tagumpay, nananatili ang isang Lenard na minsang nagtatanong kung kakayanin pa ba niya ang lahat.
Ngunit pinili niyang magpatuloy.
“Sa larangan ng hamon ng buhay, talo ang mga taong sumusuko sa kanilang laban,” saad niya.
Para kay Lenard, ang kaniyang pinagdaanan ay patunay na walang madaling shortcut patungo sa pangarap.
Kailangang pagdaanan ang pagod, sakripisyo, kabiguan at pagdududa bago marating ang minimithing tagumpay.
Isa sa kaniyang mga pinanghahawakang aral: “Hanggat may isang naniniwala sa atin, pipiliin nating magpatuloy, lumaban at huwag sumuko.”
Ngayon, matapos ang ilang taong pagsabayin ang pag-aaral, trabaho at pagsasayaw, isang bagong yugto naman ang kaniyang hinaharap bilang isang propesyonal.
At kung may mensahe man siyang nais iwan sa mga kapwa estudyante at nangangarap, simple lamang ito: hindi man madali ang buhay, mas magiging posible ang pangarap para sa taong handang magsikap at hindi sumusuko.
Dahil para kay Lenard, “ang pilak sa iilan ay siyang ginto sa iba.”
Congratulations, Lenard!