"Pero sinagot siya ng Panginoon, 'Martha, Martha, hindi ka mapalagay at abalang-abala ka sa maraming bagay. Ngunit isang bagay lang ang kailangan, at ito ang pinili ni Maria. Mas mabuti ito at walang makakakuha nito sa kanya.'” - Lucas 10:41-42
"Martha, Martha." Dalawang beses tinawag ni Jesus si Martha no'ng panahon na masyado siyang abala at aligaga sa paghahanda.
Ang pag-uulit ni Jesus sa pangalan ni Martha ay hindi tanda ng pagtanggi o pagsaway. Ipinakita Niya ang Kaniyang pagmamahal at pag-aalala. Hindi Siya nagsalita bilang isang galít na panginoon na pinapagalitan ang nagkamali, kundi bilang isang mapagmahal na Tagapagligtas na nakakaunawa sa pusong puno ng pag-aalala.
Nagsimula si Jesus sa mahinahon at mapagmahal na pakikipag-usap sa pagod at nababagabag na puso ni Martha, at marahil, ito rin mismo ang kailangan nating marinig at maranasan ngayon sa kabila ng nagkakapagod na mundo.
Tinatawag tayo ni Jesus nang banayad, hindi para pagalitan o pagsabihan, kundi upang lumapit sa atin bilang mapagmahal na Ama na handang makinig at magbigay ng kapahingahan.
Gustong ipaalala sa atin ng Diyos na kailangan din nating huminto, kumalma, at ituon ang ating pansin sa isang bagay na tunay na mahalaga—ang umupo sa Kaniyang paanan, gaya ng ginawa ni Maria.
Hindi Niya sinasabing iwanan ang trabaho, ang pag-aaral, o huwag nang maglingkod. Ang sinasabi Niya ay huwag hayaan ang maraming bagay ang umagaw sa isang bagay na pinagmumulan ng ating lakas, at walang iba kundi ang presenya Niya.
Tulad ni Martha, madali tayong matangay ng mga alalahanin at responsibilidad sa araw-araw. Pero ipinapaalala ni Jesus na ang pinakamahalaga ay ang unahin ang ating relasyon sa Kaniya.
Kaya bago tayo humarap sa mundo, lumuhod muna sa panalangin. Bago tayo maging abala sa maraming bagay, maglaan muna tayo ng oras sa Kaniya, dahil sa Kaniyang presensya natin matatagpuan ang kapayapaan, karunungan, at lakas para sa bawat araw.