May 30, 2026

Home OPINYON Ka-Faith Talks

#KaFaithTalks: ‘Survival mode na lang’ Posible pa bang umangat sa buhay ngayon?

#KaFaithTalks: ‘Survival mode na lang’ Posible pa bang umangat sa buhay ngayon?
Photo courtesy: Freepik

“Nabubuhay ka pa ba o nasa ‘survival mode’ na lang?” 

Ito ang tanong na dumadaan sa isip ng marami dahil bukod sa dami at bilis ng mga pangyayaring nababasa o napapanood sa balita, sumasabay pa ito sa tila walang katapusang pila ng mga responsibilidad sa buhay.

Paulit-ulit na routine ng pagsuong sa isa hanggang apat na oras na traffic, pagkayod sa trabaho, muling pagsuong sa traffic, at mababaw na pagtulog pag-uwi, na himala nang maituturing kung aabot ng anim na oras ang pahinga. 

Tila wala nang espasyo para huminto at huminga kahit sandali. 

Nakakapagod. Nakakaubos. 

Ka-Faith Talks

#KaFaithTalks: Ang Diyos na patuloy nagpapala sa kasagsagan ng krisis

Bilang Kristiyano, ginawa tayo ng Panginoon upang umunlad sa buhay at hindi lang mag-survive o panooring lumipas ang araw-araw. 

Totoong may pressure, may mga pagkakataong hindi laging maayos ang takbo ng isang araw, linggo, o buwan, ngunit itinuturo sa Bibliya na hindi tayo nag-iisang haharap sa bawat problema at hirap dahil sasamahan tayo ng Panginoon. 

“Magpakatatag kayo at lakasan ninyo ang inyong loob. Huwag kayong matakot sa kanila sapagkat sasamahan kayo ni Yahweh na inyong Diyos. Hindi niya kayo iiwan ni pababayaan man.” Deuteronomio 31:6 

Nakikita Niya tayo at naaawa Siya (Mga Awit 116:5-6) at sa kahinaan natin, lubos na nahahayag ang kapangyarihan ng Diyos (2 Corinto 12:9). 

Kaya hindi natin kailangan sarilinin ang problema, ang pressure, bagkus, kailangan nating ilapag ang bigat na pinapasan sa panalangin.

Dahil alam na Niya ang pagdadaanan natin bago pa man ito dumating sa buhay natin. 

Ang nais Niya’y umasa tayo sa Kaniya nang buo at huwag nang i-overthink ang anumang naipagdasal na. 

Kumbaga, Siya na talaga ang bahala, ang kailangan na lang natin ay gawin kung ano ang nasa kontrol natin. 

Anumang pagsubok, anumang pinagdaraanan, lilipas din ito at magiging patunay na tapat at mabuti ang Panginoon.