Eyes on Jesus!
Ang mga katagang ito ay kadalasang laman ng inspirational quotes at devotional posts online.
Masarap isipin, madaling sabihin, ngunit pagdating ng pagsubok, nakakalimutan dahil nayayanig na ng pag-aalala.
Sa kinakaharap na krisis sa enerhiya ng buong mundo, hindi maiiwasang matakot at mangamba dahil totoong sa mga ganitong panahon napagtatanto ng marami na mahirap kumita ng pera at kung minsan pa nga’y dahil sunod-sunod ang pagtataas ng presyo ng langis, tila araw-araw ay “petsa de peligro.”
Dagdag pa rito ang panganib ng pagbabawas ng tao sa ilang industriya at pagtataas ng pamasahe sa iba’t ibang pampublikong sasakyan.
Normal lang sa tao ang mag-alala.
Ngunit bilang Kristiyano, mapanghahawakan ang pangako ng Panginoon na sa kabila ng mga krisis at pagsubok sa paligid, pagpapalain Niya tayo.
Katulad na lang ng naging pagpapala at pabor Niya ng kasaganaan sa pamilya ni Jose sa aklat ng Genesis 47:27, na sa kasagsagan ng kagutuman, ang pamilya niya’y nanirahan sa matabang lupa ng Ehipto, na Goshen.
Ito’y dahil pangako ng Panginoon, na sinuman ang humahawak at nananampalataya sa Kaniya’y hindi mapapahiya, bagkus, ang mga ito’y magyayabong pa.
“Kapag ang matuwid ay humingi ng saklolo, ang Panginoon ay nakikinig, at inililigtas sila sa lahat nilang mga gulo. Ang Panginoon ay malapit sa may pusong wasak, at inililigtas ang mga may bagbag na diwa.” – Mga Awit 34:17-18
Saad pa ng Panginoon sa salita Niya, alam na Niya agad ang pangangailangan at hiling ng puso natin bago pa man tayo lumapit sa Kaniya, kaya imbes na matakot sa mga nangyayari sa mundo, hinihikayat Niyang ituon natin ang mga mata natin sa Kaniya, na hindi pumapalya sa pagpapala.
“Kaya huwag kayong mabalisa, na magsasabing, ‘Ano ang aming kakainin?’ o, ‘Ano ang aming iinumin?’ o, ‘Ano ang aming isusuot?’ Batid ng inyong Ama sa langit na kailangan ninyo ang lahat ng mga bagay na ito. Ngunit hanapin muna ninyo ang kanyang kaharian[g] at ang kanyang katuwiran, at ang lahat ng mga bagay na ito ay pawang idaragdag sa inyo. Kaya't huwag ninyong alalahanin ang bukas, sapagkat ang bukas ang mag-aalala sa kanyang sarili. Sapat na para ngayon ang kabalisahan sa araw na ito.” – Mateo 6:31-34