August 16, 2026

Home BALITA National

Norwegian AI data center proponent, sinita ni Abalos: Di dapat bastusin mga Pinoy sa sariling bansa!

Norwegian AI data center proponent, sinita ni Abalos: Di dapat bastusin mga Pinoy sa sariling bansa!
Photo courtesy: MB File Photo

Sinita ni Cabinet Secretary Benjamin “Benhur” Abalos Jr. ang Norwegian proponent ng isang planong artificial intelligence (AI) data center sa Oton, Iloilo, matapos itong umalis sa isinagawang public consultation at makipagtalo sa mga mamamahayag.

Ang tinukoy ni Abalos ay si Daniel Stefan Robertsen, na kumakatawan sa Norway Green Energy, na naglalayong magtayo ng 50-megawatt hyperscale AI data center sa isang humigit-kumulang 10-ektaryang lugar sa Barangay Abilay Sur, Oton.

Sa pahayag ni Abalos, hindi niya ikinatuwa ang naging asal ni Robertsen laban sa mga mamamahayag.

“His behavior is deplorable,” saad ni Abalos sa isang pahayag, na iniulat ng Manila Bulletin.

Naganap ang insidente noong Agosto 14, nang isinasagawa ang public consultation tungkol sa planong data center.

National

Mas mataas na singil sa kuryente, aasahan ngayong Agosto!

Ayon sa mga ulat, naging mainit ang talakayan habang inilalatag ang mga tanong at pangamba tungkol sa proyekto, kabilang ang mga posibleng epekto nito sa paggamit ng lupa, kuryente, tubig at iba pang lokal na resources.

Sa gitna ng konsultasyon, biglang umalis si Robertsen sa venue.

Matapos nito, sinubukan siyang makapanayam ng ilang reporter ngunit nauwi ito sa mainitang palitan.

Narinig umanong sinabi ni Robertsen sa mga mamamahayag: “If you don't have a brain, just f*ck ... Go away!”

Nagbanta rin umano ang Norwegian na magsasampa ng kaso laban sa mga reporter dahil sa pagkuha ng kanilang mga larawan at video habang nagaganap ang public consultation.

Dahil dito, mariing binigyang-diin ni Abalos na hindi katanggap-tanggap ang naturang asal, lalo na sa isang pampublikong konsultasyon na may kinalaman sa isang proyektong nakatakdang itayo sa Pilipinas.

“Hindi mo dapat murahin o bastusin ang mga Pilipino, lalo na sa sarili naming bansa," aniya.

Ang insidente ay nakatawag ng pansin dahil layunin ng public consultation na marinig ang panig at mga pangamba ng mga residenteng posibleng maapektuhan ng proyekto.