August 16, 2026

Home FEATURES BALITAnaw

BALITAnaw: Ang kontrobersyal na pagkamatay ni Kian delos Santos

BALITAnaw: Ang kontrobersyal na pagkamatay ni Kian delos Santos
Photo courtesy: Kimberly dela Cruz/Sangguniang Laiko ng Pilipinas (Website)

Siyam na taon na pala ang lumipas mula nang mapaulat at pag-usapan ang kamatayan ng 17-anyos na si Kian Loyd delos Santos sa isang umano'y operasyon ng pulisya sa Caloocan City noong Agosto 16, 2017—isang insidenteng naging isa sa mga pinakakilalang kaso hinggil sa kampanya kontra ilegal na droga ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa paglipas ng mga taon, hindi lamang alaala ang naiwan ng kaso ni Kian. Naging bahagi rin ito ng mahabang usapin tungkol sa umano'y paggamit ng puwersa ng mga awtoridad, pananagutan ng mga pulis at karapatan ng mga suspek at biktima.

Tinatawag din itong "extra-judicial killings" o EJK.

Narito ang mahahalagang pangyayari sa kaso ni Kian, mula 2017 hanggang sa pinakahuling desisyon ng Korte Suprema:

Agosto 16, 2017 — Ang gabing nagbago sa buhay ng isang pamilya

BALITAnaw

BALITAnaw: Mga kontrobersiya, trahedyang nangyari sa Pilipinas sa kasagsagan ng Ghost Month

Noong gabi ng Agosto 16, 2017, umano'y napatay si Kian sa Barangay 160, Caloocan City, habang isinasagawa ng mga pulis ang isang anti-drug operation.

Ayon sa mga ulat, ang unang bersyon ng pulisya ay "nanlaban" umano si Kian at nagpaputok ng baril kaya napilitan umano silang gumanti.

May nakuha umanong .45 caliber na baril at dalawang sachet ng hinihinalang shabu sa lugar, na iniugnay ng mga awtoridad kay Kian. Mariing itinanggi naman ito ng kaniyang pamilya.

Ngunit ilang araw lamang ang lumipas ay nagsimulang mabago ang takbo ng kaso.

Agosto 18 — Lumitaw ang CCTV

Dalawang araw matapos ang insidente, lumabas ang isang CCTV footage na nagpapakitang may mga pulis na kumaladkad sa isang binatilyo patungo sa isang madilim na bahagi ng lugar.

Kinuwestiyon nito ang pahayag ng pulisya na nanlaban at nagtangkang tumakas si Kian.

May mga saksi ring nagsabing si Kian umano ang binatilyong nakita nilang kinaladkad ng mga pulis.

Kalaunan, sinabi rin ng Internal Affairs Service na dalawang pulis ang umamin na si Kian ang taong makikita sa CCTV na kanilang inaakbayan o kinaladkad—salungat sa naunang pahayag na isang informant ang nasa video.

Kaugnay na Balita: Testigo: Hinawakan sa leeg, itinulak, binaril si Kian

Agosto 21 hanggang 25 — Panawagan para sa hustisya

Umigting ang galit at panawagan para sa hustisya matapos lumabas ang CCTV footage at iba pang salaysay.

Nakiisa ang daan-daang mga nagpoprotesta sa mga pagkilos para kay Kian at iba pang mga umano'y biktima ng kampanya kontra droga.

Matapos makita ang CCTV, sinabi ni FPRRD na kailangang imbestigahan ang insidente at dapat managot ang sinumang mapatunayang may pananagutan.

Samantala, inihatid sa huling hantungan si Kian noong Agosto 25, 2017, sa isang libingang dinaluhan ng daan-daang tao. Nag-trending din noon ang #PaalamKian.

Kaugnay na Balita: Hustisya siguradong makakamit ni Kian, kung…

Agosto 24 — Senate inquiry

Pormal ding sinimulan ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs ang imbestigasyon sa pagkamatay ni Kian.

Sa pagdinig, lumutang ang mga tanong hinggil sa operasyon ng pulisya at sa batayan ng pagkakaakusa kay Kian na sangkot umano sa ilegal na droga.

Nagsampa rin ang pamilya, sa tulong ng Public Attorney's Office o PAO, ng mga reklamo laban sa mga pulis na sangkot sa insidente. Kalaunan, nagsampa rin ang National Bureau of Investigation (NBI) ng mga reklamong murder, paglabag sa domicile at planting of evidence laban sa ilang pulis.

Maki-Balita: Kian pinatay ng Caloocan police — NBI

Enero 2018 — Isinampa ang murder charges

Noong Enero 29, 2018, nagsampa ang Department of Justice (DOJ) ng consolidated charges laban kina Police Officer 3 Arnel Oares, PO1 Jeremias Pereda at PO1 Jerwin Cruz, gayundin kay Renato Loveras.

Kinasuhan sila ng umano'y murder at planting of evidence kaugnay ng pagkamatay ni Kian.

Nobyembre 29, 2018 — Unang malaking tagumpay sa hustisya

Mahigit isang taon matapos ang pagkamatay ni Kian, naglabas ng hatol ang Caloocan Regional Trial Court Branch 125.

Pinatunayang nagkasala sa murder sina Oares, Pereda at Cruz at hinatulan ng reclusion perpetua o hanggang 40 taong pagkakakulong, nang walang eligibility for parole sa hatol ng mababang hukuman.

Sa desisyon, binigyang bigat ng korte ang mga salaysay ng mga saksi at pisikal na ebidensiya na sumalungat sa pahayag na nagkaroon ng engkuwentro o shootout.

Gayunman, inabsuwelto ang tatlo sa kasong planting of evidence dahil hindi napatunayan ng prosekusyon ang kanilang pagkakasala lampas sa makatwirang pagdududa sa naturang paratang.

2019–2025 — Umakyat ang kaso sa mga appellate court

Hindi nagtapos sa RTC ang kaso. Umapela ang mga nahatulang pulis at kalaunan ay pinagtibay ng Court of Appeals ang kanilang conviction.

Samantala, patuloy na naging simbolo ang kaso ni Kian sa mas malawak na debate tungkol sa mga umano'y pagpatay na naganap sa ilalim ng kampanya kontra ilegal na droga.

Noong 2021, napaulat na batay sa datos ng pamahalaan, umabot umano sa lagpas 6,000 ang naitalang namatay sa drug war operations mula nang maupo si Duterte hanggang Hulyo 28, 2021. Mas mataas naman ang mga pagtatayang inilabas ng ilang international at human rights groups.

Marso–Abril 2025 — Pag-aresto ng ICC kay FPRRD / Muling kumalat ang maling naratibo tungkol kay Kian

Halos walong taon matapos ang kaniyang pagkamatay, muling napag-usapan ang kaso matapos kumalat online ang isang spliced video na naglalarawan kay Kian bilang isang “drug runner.” Kalaunan, batay sa "fact-checking" ng mga media outlet, binigyang-diing hindi napatunayang guilty si Kian sa anumang krimen kaugnay ng ilegal na droga, at walang substantial evidence na ipinakitang nahatulan siya bilang drug runner o drug pusher.

Nababanggit din si Kian dahil sa pagkakaaresto kay FPRRD ng International Criminal Court (ICC) noong Marso 12, 2025, para sa kasong crimes against humanity.

Kaugnay na Balita: Ex-Pres. Duterte, nasa kustodiya na ng ICC

Basahin: TIMELINE: Mula pag-implementa ng drug war, pag-imbestiga ng ICC, hanggang pag-aresto kay FPRRD

Ginanap ang confirmation of charges noong Pebrero 23, 2026. Pagkatapos nito, noong Abril 23, 2026, ay nagpasya ang Pre-Trial Chamber I na kumpirmahin ang lahat ng mga paratang laban sa kaniya. Nakatakda naman ang aktuwal na paglilitis kay Duterte sa Nobyembre 30, 2026, batay sa pagtatakda ng Trial Chamber III.

Basahin: TIMELINE: Unang anibersaryo mula sa pagtugis ng ICC kay FPRRD hanggang sa pagdinig ng confirmation of charges

Kaugnay na Balita: Mensahe ni FPRRD: 'Everything I did, I did for my country!'

Agosto 11, 2025 / Disyembre 22, 2025 — Pagtpapatibay sa desisyon ng Korte Suprema

Isang mahalagang kabanata ang dumating noong 2025.

Sa desisyong isinulat ni Associate Justice Jhosep Lopez at may petsang Agosto 11, 2025, pinagtibay ng Second Division ng Supreme Court ang murder conviction kina Oares, Pereda at Cruz. Inilabas sa publiko ang desisyon noong Disyembre 22, 2025.

Ayon sa Supreme Court, may mga elemento ng murder sa pagkamatay ni Kian at napatunayan ang treachery o kawalan ng pagkakataon ng biktima na ipagtanggol ang kaniyang sarili.

Binigyang bigat din ng Korte Suprema ang forensic evidence na nagpapakitang nagtamo si Kian ng limang tama ng bala, kabilang ang dalawang tama sa ulo. Batay sa medico-legal findings, malamang na nakaupo o nakaluhod siya nang barilin.

Pinagtibay ang parusang reclusion perpetua, o pagkakakulong na maaaring umabot sa 40 taon, at inatasan ang tatlong dating pulis na magbayad ng kabuuang ₱275,000 na danyos sa pamilya ni Kian.

Kaugnay na Balita: SC, pinagtibay 'reclusion perpetua' sa 3 pulis na tumumba kay Kian delos Santos

Agosto 16, 2026 — Siyam na taon ng pag-alala

Ngayong Agosto 16, 2026, siyam na taon na mula nang tuluyang magbago ang buhay ng pamilya Delos Santos. Inaasahang aabangan ng mga Pilipino ang magiging aktuwal na paglilitis sa crimes against humanity ni FPRRD sa Nobyembre.

Kaugnay na Balita: ‘Justice for Kian!’ Pag-alala sa ika-8 anibersaryo ng pagkamatay ni Kian Delos Santos