April 10, 2026

Home BALITA National

TIMELINE: Unang anibersaryo mula sa pagtugis ng ICC kay FPRRD hanggang sa pagdinig ng confirmation of charges

TIMELINE: Unang anibersaryo mula sa pagtugis ng ICC kay FPRRD hanggang sa pagdinig ng confirmation of charges
Photo courtesy: via Balita

Isang taon na ang nakalipas mula nang maaresto at dalhin sa The Hague, Netherlands si dating Pangulong Rodrigo Duterte upang harapin ang mga kasong crimes against humanity sa International Criminal Court (ICC). 

Mula sa kaniyang pagkaaresto noong Marso 11, 2025 hanggang sa mga sumunod na pagdinig, petisyon, at mga usaping kaugnay ng kaniyang kalusugan at pananatili sa kustodiya ng ICC, narito ang timeline ng mahahalagang pangyayari sa kaso ng dating pangulo.

MARSO 11, 2025 - Bumalik si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa Pilipinas, matapos siyang dumalo sa isang event na may temang “Pasasalamat kay PRRD” sa Wan Chai, Hong Kong. 

Pasado 9:20 ng umaga nang lumapag siya sa sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) mula sa Hong Kong. 

Sa kaniyang pagdating sa Pilipinas, sinalubong siya ng noon ay Philippine National Police - Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) Director PMGEN Nicolas Torre III kasama si dating Executive Secretary Salvador Medialdea, at dinala siya ng mga awtoridad sa Villamor Air Base, Pasay City. 

National

Usec. Castro sa 'good luck' ni VP Sara kay PBBM: 'An idle mind is the devil's playground'

KAUGNAY NA BALITA: Dating Pangulong Duterte, dinala sa Villamor Airbase

Agad naman itong kinumpirma ng Malacañang at sinabing natanggap na umano noon ng INTERPOL Manila ang opisyal na kopya ng warrant of arrest kay Duterte mula sa ICC bandang madaling araw. 

Sinabi rin ng PCO na tiniyak na may suot na body camera ang mga opisyal ng Philippine National Police (PNP) na nagpatupad ng arrest warrant laban sa dating pangulo.

KAUGNAY NA BALITA: FPRRD, sinilbihan na ng warrant of arrest ng ICC — Malacañang

Matapos nito, nakapag-upload pa ng kaniyang Instagram story ang bunso niyang anak na si Veronica “Kitty” Duterte at sinabi nitong hindi umano pinahintulutan ng awtoridad si Duterte na sumailalim sa medical procedure. 

“We are being illegally detained at 250th Presidential Airlift Wing Col. Jesus Villamor Air Base Pasay City. They aren't allowing my dad to seek the medical attention he badly needs,” saad noon ni Kitty. 

Samantala, sa video na inupload ng SMNI News, sinabi umano ni CIDG Chief Nicolas Torre na “too much” ang hinihiling na medical procedure ng kampo ni Duterte.

KAUGNAY NA BALITA: Ex-Pres. Duterte, hindi umano pinahintulutan sa kaniyang medical procedure

Humarap sa media si Pangulong Bongbong Marcos, Jr. bandang madaling-araw, ilang minuto lamang matapos lumipad ang eroplanong sinasakyan ni Duterte patungong The Hague, Netherlands.

Iginiit ni PBBM na ginagawa lamang umano ng gobyerno ang trabaho nito at dinepensa niyang sumusunod lamang ang kaniyang administrasyon sa ipinag-uutos ng batas. 

KAUGNAY NA BALITA: PBBM, kinumpirma na dadalhin si ex-Pres. Duterte sa The Hague

MARSO 12, 2025 - Lumapag sa Al Maktoum International Airport sa Dubai ang eroplanong sinasakyan ni Duterte at muling lumipad matapos ang isang oras na pahinga papuntang Rotterdam Airport sa The Hague, Netherlands. 

KAUGNAY NA BALITA: Ex-Pres. Duterte, nasa Dubai na; pa-biyaheng Netherlands

MARSO 13, 2025 - Opisyal nang napasakustodiya ng ICC si Duterte nang lumapag ito sa Rotterdam Airport sa The Hague, Netherlands at nakatakda noong harapin niya ang warrant para sa “crimes against humanity,” na kaugnay sa kaniyang War on Drugs na direktiba sa panahon ng kaniyang panunungkulan sa Pilipinas bilang Pangulo, at maging sa Davao City mula pa noong alkade pa lang siya. 

Tinawag ni ICC chief prosecutor Karim Khan ang pag-aresto kay Duterte na “crucial step in our continuous work to ensure accountability for the victims of the most serious crimes under ICC jurisdiction.”

KAUGNAY NA BALITA: Ex-Pres. Duterte, nasa kustodiya na ng ICC

MARSO 14, 2025 - Sa isinagawang pre-trial ng ICC noong Marso 14 (araw sa Pilipinas), 2025, hindi pisikal na nakadalo si Duterte sa courtroom, bagkus ay sa pamamagitan ng video link.

Kasabay nito, dito na rin pormal na inanunsyo ng ICC noon na nakatakda umanong isagawa ang confirmation of charges hearing para kay Duterte anim na buwan mula noong Marso hanggang Setyembre 23, 2025.

Ayon kay dating Executive Secretary Salvador Medialdea, na tumayong legal counsel ni Duterte sa korte noon, nang mga sandaling iyon ay may “medical issues" ang dating pangulo.

Samantala, sinabi naman ng ICC Presiding Judge noon na base raw sa opinyon ng doktor ng korte, “fully mentally aware and fit” naman si Duterte.

KAUGNAY NA BALITA: Confirmation of charges hearing para kay FPRRD, itinakda ng ICC sa Sept. 23, 2025

MARSO 28, 2025 - Sa loob na ng detention center ng ICC sa The Hague, Netherlands nagawang ipagdiwang ni Duterte ang kaniyang ika-80 kaarawan. 

Nagpaabot naman ng suporta at pagbati sa selebrasyon ng kaniyang kaarawan ang kaniyang mga anak na sina Kitty at Vice President Sara Duterte, ilang mga senador kagaya nina Sen. Christopher Lawrence “Bong” Go, Sen. Imee Marcos, at Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa. 

Nagawa ring aktuwal na kantahan ng “Happy Birthday” ng Palasyo sa pangunguna ni PCO USec. Claire Castro si Duterte noon. 

KAUGNAY NA BALITA: 'Love, good health at happiness,' hiling ni VP Sara para kay FPRRD

KAUGNAY NA BALITA: Usec. Castro, kinantahan ng ‘happy birthday’ si FPRRD: ‘We wish him 'good health, good fortune’

ABRIL 5, 2025 - Ibinahagi ni VP Sara ang mensahe noon na nais umanong ipabatid ni Duterte sa buong mundo na ang mga ginawa lang daw niya noon at para sa bansang Pilipinas. 

“Everything I did, I did for my country. (I don't know) whether that statement is acceptable or not, but I want it out to the world,” kuwento ni VP Sara. 

KAUGNAY NA BALITA: Mensahe ni FPRRD: 'Everything I did, I did for my country!'

MAYO 2, 2025 - Inihayag ni Kitty sa publiko sa pamamagitan ng pagpo-post niya sa kaniyang IG story ang screenshot ng pag-uusap nila ng isang netizen na nangungumusta sa kalagayan noon ng kaniyang ama. 

Ani Kitty, nasa “good shape” o maayos na kalagayan naman daw ang dating Pangulo. 

"Physically speaking he is in good shape - especially for an 80 year old with as many organic issue as he has," sagot ni Kitty sa nagtanong.

KAUGNAY NA BALITA: Kitty Duterte sa kalusugan ni FPRRD: 'He's in good shape'

MAYO 15, 2025 - Hiniling ng lead counsel ni Duterte na si Atty. Nicholas Kaufman na tanggalin ang mga hukom na sina María del Socorro Flores Liera at Reine Adélaïde Sophie Alapini-Gansou mula sa pagpapasya sa kaso ng hurisdiksyon ni Duterte.

Bilang pangalawang bise presidente ng The Presidency, nais din ni Kaufman na madiskwalipika si Alapini-Gansou sa pagpapasya sa kanilang kahilingan.

Iginiit din ng kampong sa pamamagitan ng pagdiskwalipika sa dalawang judge ay mapangangalagaan umano ang karapatan ni Duterte para sa “walang kinikilingang paghatol.”

Iginiit din ng kampo ni Duterte na nag-withdraw ang Pilipinas bilang miyembro ng ICC noong Marso 2019 at hindi nagsimula ang paunang imbestigasyon ng ICC hanggang 2021, o dalawang taon pagkatapos magkabisa ang pag-alis ng bansa sa Rome Statute.

Gayunpaman, nagkasundo ang Korte Suprema at ICC na may hurisdiksyon ang international court sa mga krimeng ginawa sa Pilipinas hanggang maging epektibo ang pag-alis ng bansa sa pagiging miyembro nito.

KAUGNAY NA BALITA: Kampo ni FPRRD, pinapa-disqualify 2 judge ng ICC

HUNYO 19, 2025 - Ginunita ng anak ng dating Pangulo na si Davao 1st district Rep. Paolo “Pulong” Duterte sa pamamagitan ng Facebook nito noong Hunyo 19, 2025 ang ika-100 araw na pananatili niya sa kustodiya ng ICC. 

Hiniling din ng kongresista sa taumbayan na huwag daw sanang makalimutan ang kaniyang ama.

KAUGNAY NA BALITA: ‘100 araw sa ICC' Rep. Pulong Duterte, nanindigang hindi kriminal si FPRRD

HUNYO 23, 2025 - Hiniling ng ICC Office of the Prosecutor sa noo'y inilabas nilang isang 15-pahinang dokumentong pirmado ni ICC Deputy Prosecutor Mame Mandiaye Niang at nakapetsa noong Hunyo 23, 2205, sa tribunal na tanggihan ang inihaing interim release ni Duterte. 

Isa rin sa mga nakalahad sa naturang dokumento, sinabi ng Office of the Prosecutor na may kakayahan umano si Duterte na makialam at takutin ang mga testigo kung sakaling payagan ang pansamantalang paglaya nito.

Bukod dito, nakasaad din sa request ng prosecution na may “history" si Duterte at mga kasamahaan nito ng pakikialam umano sa imbestigasyon laban sa dating pangulo. 

KAUGNAY NA BALITA: ICC prosecution, pinare-reject sa tribunal ang interim release ni FPRRD

HULYO 3, 2025 - Tinanggihan ng ICC ang kahilingan ng kampo ni Duterte na i-disqualify ang dalawang pre-trial judges.

Paglalahad ng ICC, “no actual nor reasonable apprehension of bias arises” o wala raw nakikitang katanggap-tanggap na rason para saying “bias” o may kinikilingan ang mga judge na sina Reine Adélaïde Sophie Alapini-Gansou at María del Socorro Flores Liera.

KAUGNAY NA BALITA: ICC, tinanggihan hiling ni Duterte na i-disqualify 2 pre-trial judges

HULYO 8, 2025 - Ibinahagi sa publiko ni VP Sara ang umano’y sinabing huling habilin ni Duterte na i-cremate raw siya kung saan man siya mamamatay. 

Dagdag pa ng bise presidente na natural lamang daw na pag-usapan nila ng kaniyang ama ang mga habilin nito lalo't nasa 80 taong gulang na ito.

Ibinahagi rin ni VP Sara na pumayat daw ang dating Pangulo. 

KAUGNAY NA BALITA: FPRRD, may huling habilin na; ipa-cremate siya sa Netherlands

AGOSTO 12, 2025 - Sinabi ni VP Sara sa publiko na may tiwala umano siya kay Kaufman habang papalapit na ang noong petsa ng pagdinig para sa kumpirmasyon ng mga kaso laban sa dating Pangulo sa ICC na nakatakda noon sa Setyembre 23, 2025. 

Sa panayam ng media, tumanggi si VP Sara na magbigay ng karagdagang detalye kung paano hinahawakan ni Kaufman ang kaso ngunit sumagot siya ng “oo” nang tanungin kung may kumpiyansa siya sa paghahanda ng naturang abogado para sa pagdinig sa Setyembre, para sa confirmation of charges.

Aniya, si Kaufman daw ang pinili ng ama kaya susunod sila sa kagustuhan nito.

KAUGNAY NA BALITA: 'Siya ang pinili!' VP Sara tiwala kay Kaufman bilang abogado ni FPRRD

AGOSTO 23, 2025 - Umabot sa tinatayang 300 indibidwal ang nagsumite ng kanilang aplikasyon upang maging mga opisyal na kikilalaning drug war victims sa ICC.

Natanggap umano ng ICC Registry ang eksaktong bilang na 303 mga nagsumiteng aplikante laban kay Duterte kaugnay ng kaniyang naging madugong kampanya laban sa droga sa panahon ng kaniyang panunungkulan. 

KAUGNAY NA BALITA: Higit 300, nagsumite ng aplikasyon sa ICC bilang 'drug war victims' laban kay FPRRD

AGOSTO 26, 2025 - Inihayag ni Kaufman sa isang panayam sa kaniya ng isang Duterte supporter na may tiwala umano siya sa kaniyang sarili na maipapasa ang nasabing interim release ngunit nasa korte na umano ng ICC kung ano ang magiging desisyon nila kaugnay rito.

Noon, umasa ang kampo ni Duterte na payagang magkaroon ito ng pansamantalang paglaya sa loob ng isa o hanggang dalawang linggo habang nangyayari ang proseso ng pagharap niya sa kasong crimes against humanity sa hukuman ng ICC.

KAUGNAY NA BALITA: Atty. Kaufman, buo ang tiwalang papayagan ng ICC interim release ni FPRRD

SETYEMBRE 8, 2025 - Inanunsyo ng ICC sa kanilang press release na hindi na matutuloy ang confirmation of charges para sa mga kasong kinakaharap ni Duterte sa parating na Setyembre 23, 2025. 

Anang ICC, ang Pre-Trial Chamber I ang naglabas ng desisyong ito bilang tugon sa kahilingan ng kampo ni Duterte na huwag munang ituloy ang petsa ng nakatakdang pagdinig dahil sa umano’y hindi “fit to trial” o kawalan ng kakayahan ng dating Pangulo na dumalo nasabing hearing. 

“Following a request from the Defence of Mr Duterte for an indefinite adjournment of the proceedings alleging that Mr Duterte is not fit to stand trial, the majority of the Chamber considered that a limited postponement of the hearing on the confirmation of charges was warranted to allow sufficient time to adjudicate the request and related matters,” saad noon ng ICC. 

SETYEMBRE 9, 2025 - Umapela si Kaufman kay PBBM na payagang makauwi sa Pilipinas ang kaniyang kliyenteng si Duterte dahil nakakaapekto umano ang lumalalang medical situation nito sa kakayahan niyang maintindihan ang mga ebidensya at magbigay ng tagubilin noon sa nakatakdang confirmation of charges ng ICC.

KAUGNAY NA BALITA: Kaufman, umapela kay PBBM na payagang makauwi si FPRRD

SETYEMBRE 12, 2025 - Idiniin ng ICC ang ilan sa mga naging pahayag ni VP Sara na isa raw sa mga dahilan kung bakit mas kinakailangan umano nilang panatilihin sa detention ang dating Pangulo at ibasura ang isinumiteng interim release ng kampo nito. 

Ayon sa ICC, ang pagtawag umano ni VP Sara na “na-kidnap” si Duterte ang isa sa mga pahayag na nakarating sa kanila.

Pinuna rin ng ICC ang mga pahayag ni VP Sara sa kanilang mga tagasuporta partikular na ang panghihimok umano ng Pangalawang Pangulo na pasukin ang kanilang detention center.

Tila hindi rin daw nagustuhan ng ICC ang umano’y akusasyon ni VP Sara na nakikipagsabwatan daw ang ICC  sa gobyerno ng Pilipinas upang magkaroon ng mga peke at bayad na witness laban sa kaso ng kaniyang ama.

KAUGNAY NA BALITA: Pagtawag ni VP Sara na na-kidnap si FPRRD, nakaapekto umano sa pag-reject ng ICC sa hiling na interim release

SETYEMBRE 22, 2025 - Pormal nang naghain ng 3 counts of murder ang Deputy Prosecutors ng ICC laban kay Duterte.

Sa dokumentong inilabas ng ICC noong Setyembre 22, 2025 nakalatag ang tatlong tuntungan ng kaso kabilang ang patayan sa Davao City sa ilalim ng panunungkulan ni Duterte bilang alkalde na umabot sa 19 ang biktima, pagpatay sa 14 na “high-value targets” sa buong Pilipinas sa panahon ng panunungkulan niya bilang Pangulo, pagpaslang at tangkang pagpaslang sa mga barangay clearance operation sa Pilipinas mula 2016 hanggang 2018.

“Duterte is individually criminally responsible pursuant to article 25(3)(a_ of the Rome Statute for the crimes charged in Counts 1 to 3 as he committed them as an indirect co-perpetrator,” mababasa sa dokumento noon ng ICC.

KAUGNAY NA BALITA: ICC Prosecutors, sinampahan na si FPRRD ng 3 counts of murder

SETYEMBRE 23, 2025 - Hindi natuloy ang nakatakda na sana noong pagsasagawa ng ICC ng pagdinig para sa confirmation of charges sa mga kaso ni Duterte.

OKTUBRE 10 2025 - Tuluyang ibinasura ng ICC ang kahilingan ng kampo ni Duterte para sa interim release.  Saad pa ng ICC, maayos umanong nakakatanggap ng medical treatment si Duterte sa kanilang kustodiya, bagay na malayo umano sa sinasabi ng kaniyang kampo na hindi naibibigay ang medikal na atensyong kinakailangan niya.

KAUGNAY NA BALITA: 'Rejected!' 'Humanitarian reasons para sa interim release ni FPRRD, 'di pinayagan ng ICC

DISYEMBRE 2025 – Naghain ang kampo ni Duterte ng panibagong mga mosyon sa ICC kaugnay sa kaniyang detention at kalagayan sa kalusugan.

PEBRERO 13, 2026 - Ilang araw bago ang pagratsada ng confirmation of charges hearing para kay Duterte, inihayag ng ICC ang tatlong counts of charges sa dating pangulo bilang criminally responsible sa pagkasawi ng tinatayang 78 biktima sa kasagsagan ng kaniyang naging madugong kampanya kontra droga.

KAUGNAY NA BALITA: FPRRD, 'criminally responsible' sa 78 biktima ng war on drugs mula 2013-2018!—ICC

PEBRERO 23-27, 2026 – Matapos ang ilang buwang pagpapaliban sa confirmation of charges hearing, tuluyan itong umusad noong buwan ng Pebrero.

KAUGNAY NA BALITA: ICC, tinanggihan apela ng kampo ni FPRRD na baligtarin ang desisyon kaugnay sa 'fit to stand trial'

Pinayagan ng International Criminal Court Pre-Trial Chamber I ang kahilingan ni Duterte na huwag nang personal na dumalo sa detention hearing at payagang sumubaybay na lamang sa pamamagitan ng video link.

Sa ikalawang araw ng pagdinig, tahasang pinangalanan ng ICC ang iba pang co-perpetrator umano ni Duterte sa pagpapautpad ng kaniyang drug war kanilang sina Sen. Bato dela Rosa at Sen. Bong Go.

KAUGNAY NA BALITA: ICC prosecution, ibinalandra kinalaman ng 'co-perpetrators' ni FPRRD sa Tokhang

Matapos ang halos isang linggong pagdinig, inihayag ng ICC na lalabas ang kabuuang resulta nito matapos ang 60 araw.

MARSO 6, 2026 (pinakahuling desisyon) – Naglabas ng desisyon ang ICC na mananatili sa kustodiya ng korte ang dating pangulo habang nagpapatuloy ang mga pagdinig sa kaniyang kaso.

Ayon sa hukuman, kinakailangan pa ring manatili siya sa detention facility upang matiyak ang integridad ng proseso ng paglilitis at maiwasan ang anumang posibleng panghihimasok sa mga testigo o ebidensiya.