August 16, 2026

Home BALITA National

Mas mataas na singil sa kuryente, aasahan ngayong Agosto!

Mas mataas na singil sa kuryente, aasahan ngayong Agosto!
Photo courtesy: MB file photo

Nakaambang lumobo ang bayarin sa kuryente ngayong buwan ng Agosto bunsod ng pagtaas ng transmission charge.

Ayon sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP), tumaas ng 22.22% ang transmission rate para sa July 2026 billing period na sisingilin ngayong buwan ng mga distribution utility at electric cooperative.

Mula sa ₱ 1.4367 kada kilowatt-hour (kWh) noong nakaraang buwan, umakyat ito sa ₱1.7560 kada kWh.

Ipinaliwanag ng NGCP na pangunahing dahilan ng pagtaas ang “sharp increase” sa presyo ng ancillary services (AS), o mga serbisyong ginagamit upang mapanatiling balanse at matatag ang supply ng kuryente kapag may hindi pagkakatugma sa supply at demand.

Umakyat ng 30.85% ang AS rates mula ₱0.7941 kada kWh noong Hunyo sa ₱1.0391 kada kWh para sa July billing period.

National

DSWD, nakatanggap ng 400 metric tons na bigas mula South Korea

Nilinaw naman ng NGCP na hindi ito kumikita mula sa ancillary service charges dahil direktang ipinapasa ang mga bayaring ito sa mga generation company na may bilateral contracts sa NGCP at sa Independent Electricity Market Operator of the Philippines (IEMOP) para sa AS na nagmumula sa Reserve Market.

Tumaas din ang transmission wheeling rate, o bayad sa paghahatid ng kuryente sa transmission grid, mula ₱0.5044 kada kWh noong Hunyo sa ₱0.5436 kada kWh noong Hulyo.

“As system operator, NGCP’s responsibility is to ensure grid stability and reliability, especially during periods of supply-demand imbalance. NGCP does not earn from Ancillary Service charges. These payments are remitted to the service providers that supply the reserves needed to keep the power system secure and reliable,” pahayag ng NGCP.

Samantala, ipinaliwanag naman ng Meralco na ang transmission charge sa electricity bill ay tumutukoy sa gastos sa paghahatid ng kuryente mula sa mga power supplier patungo sa distribution system nito.

Karaniwang matatagpuan ang mga power supplier sa ibang probinsya o malalayong lugar sa labas ng franchise area ng Meralco.

Ang naturang transmission charge ay ibinabayad sa NGCP bilang transmission service provider.