August 16, 2026

Home BALITA Probinsya

Water level ng Angat Dam, patuloy sa pagtaas!

Water level ng Angat Dam, patuloy sa pagtaas!
Photo courtesy: MB


Tuloy-tuloy na umaangat ang water level ng Angat Dam, batay sa datos na inilabas ng Department of Science and Technology - Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (DOST-PAGASA) nitong umaga ng Linggo, Agosto 16.

Ayon sa tala ng DOST-PAGASA ukol sa Angat Dam as of 8:00 ng umaga ngayong araw, pumalo sa 182.63 meters ang lebel ng tubig sa nasabing dam, mas mataas ng 1.06 meters na naitala noong umaga ng Sabado, Agosto 15 na 181.57 meters.

Mas mataas din ito sa naitalang 180.10 meters noon namang umaga ng Biyernes, Agosto 14.

Kung pagbabasehan ang kasalukuyang water level ng Angat Dam, bahagya na nitong nalampasan ang operating level na 180 meters; at malayo na ito sa critical mark na 160 meters.

Gayunpaman, malayo pa rin ito sa normal high water level na 210 meters.

Maliban sa Angat Dam, tumaas din ngayong araw ang lebel ng tubig sa ilan pang mga dam sa bansa gaya na lamang ng Ambuklao Dam (0.21 meters), San Roque Dam (1.04 meters), Pantabangan Dam (0.47 meters), at Caliraya Dam (0.13 meters).

Bumaba naman ang water level ng Ipo Dam (0.19 meters), La Mesa Dam (0.15 meters), Binga Dam (0.28 meters), at Magat Dam (0.07 meters).

KAUGNAY NA BALITA: Lebel ng tubig sa Angat Dam, abot na minimum operating level!-Balita