Nina HANNAH L. TORREGOZA at LEONEL M. ABASOLA

Positibong kinilala kahapon ng isa sa mga testigo ang dalawa sa tatlong pulis-Caloocan na pumatay sa 17-anyos na si Kian Loyd Delos Santos, at pinabulaanan ang alegasyon ng pulisya na nanlaban ang binatilyo kaya binaril at napatay ito.

Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senate public order and dangerous drugs committee sa kaso ng pamamaslang kay delos Santos kahapon, kinilala ng 31-anyos na testigo, na kinilala lamang bilang “MC” sina PO3 Arnel Oares at PO1 Jeremias Pereda bilang ang mga pulis na hindi naka-uniporme na nakita niya umanong pumatay kay delos Santos ilang metro lamang ang layo mula sa kanyang bahay.

“Pababa po sila, walang putukang nangyari. Nagpaputok na sila nung pababa,” sinabi ng testigo kay Senator Panfilo “Ping” Lacson, chairman ng komite.

Ayon sa testigo, bibili siya noon ng bigas at sigarilyo nang makita niya ang dalawang pulis habang kinakaladkad at hawak sa ulo si delos Santos patungo sa sulok ng babuyan, at narinig niya ang takot na palahaw ng binatilyo, “Sir, ‘wag po, sir!”

Probinsya

Mag-amang PWD, patay sa sunog!

“Noong nagpaputok na ‘yung isa, tapos ‘yung isa. Hindi ko nakita saang parte ng katawan tinamaan kasi madilim. Noong sunud-sunod na ang putok, nakita ko na mukha niya,” anang testigo.

Una nang iginiit ng Caloocan City Police na isang drug courier ang Grade 11 student, at inaming pinagbatayan nila ang social media sa kanilang alegasyon. Sinabi naman ng testigo na hindi kilala bilang drug runner sa kanilang komunidad si delos Santos.

Sinabi rin ng testigo na hindi niya makita ang mukha ng isa pang pulis na pumatay sa binatilyo—ang isa pang akusado sa krimen na si PO1 Jerwin Cruz.

“’Yung dalawa, may hawak sa leeg (ni Kian), hindi nagpaputok. ‘Yung nasa likod lang po nagpapaputok, kasi ‘yung may hawak, busy sila, hawak si Kian. ‘Yung isa naka-jacket, naka-bag. ‘Yun ‘yung may hawak ng baril na nagpapaputok pababa,” sabi ng testigo.

“’Yung bahay namin may ilaw, tatlong bahay ang pagitan, makikita mo sila. Itinulak nila si Kian sa gilid ng babuyan tapos narinig ko si Kian sabi ‘Sir, huwag po’,” dagdag pa niya.

Tumanggi namang magsalita ang mga pulis nang tanungin ni Senator Risa Hontiveros kung binaril nga nila ang binatilyo.

IMPOSIBLENG NANLABAN SI CARL

Nabanggit din sa pagdinig ang isa pang kaso ng pagpatay sa 19-anyos na dating estudyante ng University of the Philippines na si Carl Angelo Arnaiz nitong Agosto 18.

Nasibak na rin sa tungkulin ang mga pulis na sangkot sa krimen, sina PO1 Jeffrey Perez at PO1 Ricky Arquilita.

Hindi napigilan ng mga senador na punahin ang anila’y malaking pagkakapareho sa pagpatay sa dalawang teenager, na kapwa inakusahang nanlaban kaya binaril ng mga pulis, bagamat sa anti-drug operation napatay si delos Santos at sa pagresponde naman ng mga pulis sa holdapan napaslang si Arnaiz.

Ayon kay Dr. Erwin Erfe, forensic expert ng PAO, imposibleng nanlaban si Arnaiz dahil lumalabas sa kanilang pagsusuri na nakaposas ito at nakaluhod nang barilin sa dibdib, at muling pinutukan nang mapahiga.

“Mukhang nakaluhod po siya nang siya ay unang binaril, dalawa hanggang tatlong beses at nang nakahiga ay may dalawa pang putok, sa dibdib tumama iyon,” ani Erfe.

NAPAIYAK SI BATO

Sa gitna ng mga pagtatanong sa umano’y malinaw na “pattern” sa patayan, muling napaiyak si Philippine National Police (PNP) Chief Director Gen. Ronald dela Rosa sa pagtanggi sa mga paratang habang idinedepensa ang kanyang mga tauhan.

“Masakit ‘yung magpapakamatay kami para sa inosenteng tao, tapos sasabihin ninyo may polisiya kami sa pagpatay,” naluhang sabi ni dela Rosa. “I am with you in that quest for justice, but sana ‘yung hustisya din para sa mga pulis ko.”