Kabilang ang Pax Silica sa mga pinag-uusapan ngayon sa social media. Kaliwa’t kanan ang mga nagtutunggaling pahayag hinggil dito.
Kamakailan lang ay binisita ni United States Ambassador to the Philippines Lee Lipton ang lokasyong pagtatayuan ng Pax Silica sa Pilipinas.
Sabi niya, ito umano ang kinabukasan ng ugnayang Pilipinas-Amerika. Walang hanggang trabaho umano ang maibibigay nito sa pamamagitan ng teknolohiya, pamumuhunan, at imprastruktura.
Ngunit bago ang lahat, ano nga ba muna ang Pax Silica? Paano ito makakaapekto sa bawat isang Pilipino?
Ayon sa U.S. Department of State, ang Pax Silica ay inisyatibo ng nasabing kagawaran para sa artificial intelligence (AI) at supply chain security.
“If the 20th century ran on oil and steel, the 21st century runs on compute and the minerals that feed it,” saad ni U.S. Usec. for Economic Affairs Jacob Helberg sa Pax Silica Declaration.
Dagdag pa niya, “This historic declaration hails a new economic security consensus ensuring aligned partners build the AI ecosystem of tomorrow—from energy and critical minerals to high-end manufacturing and models.”
Sa kasalukuyan, mahigit dalawampung bansa na ang lumalagda sa naturang proyekto, kasama na ang Pilipinas.
Sa pagpirma ni Department of Trade and Industry (DTI) Undersecretary and Board of Investments (BOI) head Ceferino Rodolfo noong Abril 17, 2026, opisyal na idineklara ang Pilipinas bilang ika-13 bansa na miyembro ng Pax Silica Initiative.
Bahagi ng kasunduan ang planong pagtatayo ng mahigit 1,600 ektaryang AI-native industrial acceleration hub sa New Clark City, Tarlac.
Ayon kay Department of Finance (DOF) Sec. Frederick Go, lilikha umano ng daang libong trabaho ang itatayong AI hub sa Pilipinas sa oras na magamit ito.
Magandang simula rin daw ito para mabilis na makalamang ang Pilipinas pagdating sa pag-unlad at sa mga bagay na may kinalaman sa AI.
“If we want to be a player in the AI industry in the future, we need to start somewhere. This is really a great start because now, once you have the ecosystem, one thing leads to another,” dugtong pa niya.
Samantala, “reverse brain drain” naman umano ang maidudulot ng mga AI hub sa Pilipinas ayon kay Bases Conversion and Development Authority (BCDA) President at Chief Executive Officer Joshua Bingcang.
Aniya, “Instead of us sending our best talents abroad to work in the biggest companies abroad, let us work in our own homeland, with foreign investments providing the opportunities."
Ngunit kinondena ng Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) ang pakikilahok ng Pilipinas sa inisyatibong ito ng Amerika.
Katwrian nila, ang ubod umano ng Pax Silica ay nakaangkla sa pagkuha at pagproseso ng mga critical mineral gaya ng nickel, cobalt, at iba pang mga sangkap na esensyal sa paggawa ng semiconductor at mga advanced na electronics.
Pampronta lang din umano ang inilalakong "economic security" at "supply chain resilience" na inilalako ng Pax Silica dahil ang kapakinabangan nito ay higit na nakatuon sa “external strategic and military requirements” imbes na sa pambansang pag-unlad.
Kaya ang panawagan ng BAYAN, isulong ang polisiyang nakatuntong sa pambansang industriyalisasyon, genuine economic development, actual technology transfer, environmental protection, at karapatan ng mga manggagawa.
“The Filipino people must not be reduced to suppliers of raw materials, cheap labor, and strategic territory for imperialist plunder and wars. The struggle against Pax Silica is inseparable from the struggle against foreign military presence, unequal agreements, and imperialist domination," dugtong pa nila.
Samantala, pinabulaanan din ng IBON Foundation ang umano’y dalang industriyalisasyon ng Pax Silica sa Pilipinas.
“The economy will become even more dependent on foreign technology, capital, and markets while remaining a supplier of cheap minerals and labor and host to export-oriented enclaves,” saad ng non-profit research institution.
Inaasahang tatagal pa ng dalawa hanggang tatlong buwan bago maisapinal ang framework agreement para sa inisyatibong ito.