Naglabas ng opisyal na pahayag at pagpalag ang ACT Teachers Party-list sa naging pahayag ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Atty. Claire Castro na may mga gurong umano’y nagtuturo sa mga estudyante kung paano maging “walang modo,” kasunod ng pamamaril sa Ateneo de Zamboanga University Junior High School.
Sa pahayag ni Castro sa press briefing noong Martes, Agosto 18, iginiit niyang mahalaga ang paggabay sa mga kabataan hindi lamang ng kanilang mga magulang kundi maging ng mga paaralan.
“Dapat na ang mga kabataan natin ay nagagabayan. Hindi lamang ng kanilang mga magulang, kung hindi sa kanila mismong paaralan.”
Dagdag pa niya, may mga pagkakataon umano na maging ang ilang guro ay naglalabas ng ganitong klase ng moralidad sa kanilang mga estudyante.
“Minsan na po nating nakita, mismo ang ibang mga guro ay lumalabag sa ganitong klase ng moralidad. Sila minsan ay nagtuturo sa kanilang mga estudyante kung paano maging walang modo, lalong-lalo na sa mga nakakatanda o sa mga ibang tao," aniya.
Maki-Balita: Usec Castro, binanggit na mismong ilang mga guro nagtuturo sa estudyante maging 'walang modo'
Hindi naman pinalampas ng ACT Teachers Party-list ang pahayag ng Palace official.
Sa inilabas nitong pahayag, sinabi ng grupo na tila itinuturo ng Malacañang sa mga guro ang sisi sa kultura ng karahasan sa bansa, gayundin sa umano’y kabiguang maitanim sa mga mag-aaral ang mabuting asal.
“Malacañang is pointing fingers yet again, shifting the blame for the country’s culture of violence onto teachers and accusing us of failing to instill good manners among learners," anila.
Mariin ding tinawag ng ACT Teachers Party-list na iresponsable at mapanlait ang naturang pahayag.
“Such a reckless and insulting tirade is not only appalling but a blatant attempt to scapegoat teachers for problems rooted in a much deeper crisis that the government itself has helped create and perpetuate.”
Ang reaksiyon ng grupo ay kasunod ng talakayan sa Palasyo hinggil sa papel ng mga paaralan at guro sa paggabay sa mga kabataan matapos ang insidente ng pamamaril sa Zamboanga City.