Ipinahayag ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Atty. Claire Castro na ang iba umanong mga kaguruan ay ang nagtuturo umano sa mga mag-aaral na maging walang modo, partikular na sa mga nakatatanda at sa ibang tao.
Pinakawalan ni Usec. Castro ang pahayag nang matanong ukol sa naganap na shooting incident sa junior high school campus ng Ateneo de Zamboanga University (AdZU) sa Barangay Tumaga nitong Martes, Agosto 18, kung saan sangkot ang isang umano’y Grade 7 student.
MAKI-BALITA: Grade 7 student, namaril umano sa loob ng classroom habang naka-live!-Balita
Sa ginanap na press briefing ng PCO nito ring Martes, idiniin niyang ang mga kabataan ay nararapat ding maprotektahan sa loob ng paaralan.
“[Ganoon] pa rin po, although ito po ay pribadong paaralan—pribado man o pampublikong paaralan—nandiyan pa rin po ang pag-uutos ng ating Pangulo na dapat na ang pagpoprotekta sa ating mga kababayan lalong-lalo na sa kabataan ay dapat paigtingin,” saad ni Usec. Castro matapos niyang basahin ang pahayag ng Office of the President at Department of Education.
KAUGNAY NA BALITA: PBBM, pinaiimbestigahan na pamamaril sa eskwelahan sa Zamboanga
Aniya, “Ang isa sa mga nakikita rin ditong solusyon ay dapat na ang mga kabataan natin ay nagagabayan—hindi lamang ng kanilang mga magulang, kung hindi sa kanila mismong paaralan.”
“Minsan na po nating nakita, mismo ang ibang mga guro ay lumalabag sa ganitong klase ng moralidad. Sila minsan ay ang nagtuturo sa kanilang mga estudyante kung papaano maging walang modo—lalong-lalo na sa mga nakakatanda o sa mga ibang tao. Panahon na po, hindi lamang po ang gobyerno, lahat po tayo especially ‘pag nasa school, kayo po ang magsilbing pangalawang guro sa ating mga kabataan,” dagdag pa niya.
Nagpahayag din ang press officer hinggil sa usapin ng pagbabanta sa buhay ng isang tao, na aniya’y hiling nilang maiwasan na.
“At sana, sana lang ay matupad ang ating kahilingan na maiwasan na rin po sana sa social media ang mga kapwa natin Pilipino[ng] nagbabanta ng buhay ng karamihan sa atin kapag hindi sila sumasang-ayon sa opinyon ng iba nating mga kababayan,” anang press officer.
“Dito kasi nakikita na parang nato-tolerate pa ang pagbabanta sa buhay—pagkilala na may assassin at handang pumatay. Hindi po ito magandang ehemplo,” aniya.
“Kaya sa atin sa lahat, magsilbing aral po sana ito, huwag i-tolerate ang ganitong klaseng pananalita at huwag nating i-tolerate ang mga ginagawa na mapang-abuso, especially ng mga public servants natin. Kasi ito po ay magiging modelo na hindi dapat naman sana na pamarisan,” pagtatapos ni Usec. Castro.