Nagpaputok ng baril ang isang umano’y Grade 7 student sa loob ng classroom sa junior high school campus ng Ateneo de Zamboanga University (AdZU) sa Barangay Tumaga nitong Martes, Agosto 18.
Naka-Facebook live mismo ang shooter sa social media nang kunan ang mismong insidente sa loob ng classroom na puno ng mga estudyante.
Base sa video, makikitang nakatayo sa labas ng classroom ang estudyanteng suspek na may hawak na baril.
Nang marinig ang serye ng mga putok, nagpulasan ang mga mag-aaral. Naulit pa ang katakot-takot na eksena ng pamamaril sa kasunod na classroom.
Bandang 7:50 a.m. nang makatanggap ng tawag ang kapulisan tungkol sa naturang insidente.
Ayon kay Coun. Fred Atilano, chairperson ng Council Peace and Order Committee, dalawang bangkay umano ang natagpuan sa loob ng gusali.
Nakita ang katawan ng umano'y suspek sa ikalimang palapag ng gusali, katabi ang baril na ginamit nito.
Samantala, ang isa pang bangkay ay nakita sa loob ng classroom na matatagpuan sa ikaapat na palapag ng gusali kung saan nangyari ang pamamaril.
Sinuspinde naman ni Zamboanga City Mayor Khymer Olaso ang klase sa lahat ng lebel sa nasabing unibersidad.
Isang press conference naman ang ginanap sa Ateneo de Zamboanga na pinangunahan ni Acting Mayor Beng Climaco at City Police Director Col. Fidel Fortaleza.