Naglabas na ng pahayag ang Ateneo de Zamboanga (AdZU) kaugnay sa pamamaril na kinasangkutan ng isang Grade 7 student sa loob ng junior high school campus na ikinasawi ng dalawang estudyante, kabilang na ang suspek.
Sa latest Facebook post ng AdZU nitong Martes, Agosto 8, sinabi nilang nagdadalamhati sila sa nangyari.
"The Ateneo de Zamboanga University is saddened by the incident that happened today on our JHS campus," anang uniberisad.
Dagdag pa nila, "As of now, we confirm that there are 2 fatalities. As for other information, we are coordinating with authorities for the full report with full details to be provided as soon as possible."
Tiniyak naman ng AdZU na kapakanan at kaligtasan pa rin ng mga estudyante nila ang kanilang pangunahing prayoridad.
Kaya naman nakipag-ugnayan na sila sa mga magulang at tagapagbantay ng mga ito para masundo na sa campus.
Bukod dito, nanawagan sila sa publiko na huwag magpakalat ng mga hindi beripikadong larawan, impormasyon, at video na siguradong makakapinsala lalo na sa mga sangkot at makakagulo sa gumugulong na imbestigasyon.
"In the meantime, we ask everyone to respect the privacy of all affected individuals," dugtong pa ng AdZU.
Matatandaang naka-Facebook live mismo ang shooter nang kunan ang mismong insidente sa loob ng classroom na puno ng mga estudyante.
Ayon sa mga awtoridad, bandang 7:50 a.m. nang makatanggap ng tawag ang kapulisan tungkol dito.
Maki-Balita: Grade 7 student, namaril umano sa loob ng classroom habang naka-live!