August 18, 2026

Home FEATURES

ALAMIN: Mga pinuntusang salaysay ng Prosecution sa pagtestigo ni Gina Acosta!

ALAMIN: Mga pinuntusang salaysay ng Prosecution sa pagtestigo ni Gina Acosta!
Photo Courtesy: MB, SPPA POOL

Opisyal nang umupo sa witness stand ang testigong dating Special Disbursing Officer (SDO) ng Office of the Vice President (OVP) na si Gina Acosta sa ika-16 na araw ng Senate impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte noong Lunes, Agosto 17, 2026. 

Si Acosta ang itinalagang kauna-unahang hostile witness ng prosecution panel dahil ang interes umano niya ay laban sa partidong nagpatawag sa kaniya sa Korte. 

“Considered siyang hostile dahil ang interes niya [ay] laban doon sa partido na nagpatawag sa kaniya. Ang nagiging epekto po niya, kapag qualified na siya na expert witness, ang pagtatanong sa kaniya would be like cross-examination, kahit technically direct examination,” paliwanag ni Atty. Benjamin Tolosa, Jr., spokesperson ng Prosecution, sa panayam sa kaniya ng True FM nitong Martes, Agosto 18. 

Ngunit sa natapos impeachment trial noong Lunes, ano-ano nga ba ang mga itinuturing na mahahalagang puntos ng prosecution panel sa unang araw na pagtestigo ni Acosta? 

Ani Tolosa sa parehong panayam sa kaniya ng nabanggit na radio station nitong Martes, inilatag niya ang tungkol sa naging pag-uutos umano ni VP Sara kay Acosta na ibigay ang nakubra niyang ₱125 milyon na confidential funds ng OVP kay dating Vice Presidential Security and Protection Group (VPSG) head na si Col. Raymund Dante Lachica.

Human-Interest

ALAMIN: Mga dapat tandaan matapos sumuong sa baha

Diin ni Tolosa, mahalaga raw ang muling pagkukumpirmang ito ni Acosta sa Korte upang mapatunayang totoo raw ang nangyari noong Disyembre 2022. 

“Unang-una binigay niya talaga itong pera na ito kay Col. Lachica kahit hindi siya SDO, dahil siya lamang ang SDO. Pangalawa, ginawa niya ito dahil ito ay sa kautusan ng bise presidente,” aniya. 

Saad ni Tolosa, idagdag pa raw ang bagong detalyeng inilahad ni Acosta kaugnay sa kawalan ng inputs o kinalaman ni Lachica sa isinumite nilang mga dokumento sa Commission on Audit (COA) kaugnay sa encashment ng confidential funds. 

“Ano naman ‘yong mga bago na idinagdag niya na importante? Tulad no’ng sinabi po niya doon sa simula na ‘yong mga detalye na nakapaloob doon sa physical and financial plan… sinasabi niya na kumuha siya ng inputs kay Col. Lachica,” ‘ika niya. 

Dagdag pa ng mambabatas, “As pointed out yesterday, inamin din niya, wala namang kahit anong dokumento na sinubmit nila sa COA na sinasabing meron nga talagang kinalaman o inputs si Col. Lachica doon.” 

Tirada pa ni Tolosa, mahalaga din umano ang sinabi ni Acosta na nagtiwala ito sa pagbibigay ng ₱125 milyong halaga kay Lachica dahil na rin daw kay VP Sara. 

“Maliwanag din ‘yong sinabi niya na nagtiwala siya dito kay Col. Lachica at binigay niya itong ₱125 million dahil pinagkakatiwalaan ng bise presidente itong si Col. Lachica. Maliwanag din, sabi niya, kung hindi siya inutusan ng bise presidente, hindi niya ibibigay itong pera na ito kay Col. Lachica,” pagbabahagi niya. 

Pagpapatuloy ni Tolosa, sa kabila raw ng pag-amin ni Acosta sa pagbibigay ng pera kay Lachica, alam din daw ng testigo na wala sa Joint Circular ng COA ang pagbibigay ng confidential funds sa isang security officer. 

“Lastly, sa point na ‘yan, inamin din niya na kahit binigay niya itong pera na ito kay Col. Lachica, inamin niya by the Joint Circular, hindi trabaho ng security officer tulad ni Col. Lachica ang mag-disburse ng pera. Dahil ang trabaho na ‘yan, nandoon sa Special Disbursing Officer,” pagtatapos pa niya. 

Samantala, kanselado naman ang nakatakda sanang impeachment trial ngayong Martes sanhi ng masamang panahon at itutuloy muli ito sa darating na Miyerkules, Agosto 19. 

KAUGNAY NA BALITA: Maligamgam na tubig, nurse at interpreter, inihanda ng impeachment court para kay Gina Acosta

KAUGNAY NA BALITA: Sen. Erwin Tulfo sa ‘language barrier’ issue ng hostile witness: ‘Tama na ang panloloko sa atin!’