June 09, 2026

Home SPORTS

DepEd, nakiramay sa pagkamatay ni Rene Clert Baterbonia

DepEd, nakiramay sa pagkamatay ni Rene Clert Baterbonia
Photo courtesy: via DepEd/FB


Nakisimpatya at nakiramay ang Department of Education (DepEd) sa pagpanaw ng Ateneo Men’s Basketball Team student-athlete na si Rene Clert Baterbonia noong Lunes, Hunyo 8.

Matatandaang kasama ni Baterbonia na nasawi ang isa pang student-athlete ng naturang unibersidad na si Divine Adili, matapos umanong malunod ang dalawa sa team-building activity nito sa Dipaculao, Aurora.

Sa pahayag na inilabas ng DepEd nitong Martes, Hunyo 9, inalala nila ang husay at tatas ni Baterbonia sa paglalaro ng basketball.

“Nakikiramay ang Department of Education (DepEd) sa pamilya, mga kaibigan, teammates, coaches, at mga mahal sa buhay ni Rene Clert ‘Bobet’ Baterbonia,” saad ng DepEd sa kanilang pahayag.

Anila, “Isang proud na produkto ng Talacogon National High School sa Agusan del Sur at kinatawan ng Ateneo de Davao University, si Bobet ay nagbigay ng karangalan sa Davao Region dahil sa kanyang husay, dedikasyon, at sportsmanship.”

“Siya ang kinilalang Most Valuable Player ng 2025 Palarong Pambansa Secondary Boys Basketball Finals at naging mahalagang bahagi ng kanyang koponan na nagtapos bilang runner-up sa 2026 Palarong Pambansa,” dagdag pa nila.

Anang departamento, mapagkumbaba at matiyagang atleta si Baterbonia, na anila’y tiyak na mananatili sa puso ng malalapit sa kaniya.

“Higit pa sa kanyang mga tagumpay sa hardcourt, maaalala si Bobet bilang isang mapagkumbaba at masipag na atleta,” anang departamento.

“Mananatiling buhay sa puso ng kanyang pamilya, mga kaibigan, teammates, at kapwa student-athletes ang alaala ni Bobet,” pagtatapos ng DepEd.

Matatandaang nagpaabot din ng pakikiramay ang Philippine Sports Commission (PSC) sa pagkamatay ni Baterbonia at Adili—at sinigurong makikibahagi sa imbestigasyong ikakasa kaugnay sa insidente.

MAKI-BALITA: PSC nakiramay, tutulong sa imbestigasyon ng pagkasawi nina Baterbonia at Adili!-Balita