Hindi lang tuwing Pebrero 14 ipinagdiriwang ang pagmamahalan ng dalawang taong nasa relasyon, ipinagbubunyi rin ito kapag sasapit ang ika-18 ng Agosto taon-taon.
Pagkakataon ito sa bawat magkarelasyon para gugulin ang oras kasama ang isa't isa nang hindi kinakailangan ng enggrandeng selebrasyon, hindi kagaya ng kung paano ipinagdiriwang ang Araw ng mga Puso.
Isa sa mga maaaring gawin sa araw na ito ay balikan ang mga challenges na hinarap at nalampasan ng magkakasintahan nang magkasama. At paano pa ba higit na patitibayin ang pagsasama sa mga darating pang taon.
Narito ang ilan sa mga pananaw ng iba’t ibang personalidad at mga celebrity hinggil dito na maaaring makatulong sa matatag na relasyon.
1. PANGULONG FERDINAND “BONGBONG” MARCOS, JR.
Mahigit tatlong dekada nang kasal si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. sa misis niyang si Liza Marcos. Isinagawa ang seremonya ng kanilang pag-iisang-dibdib sa Italy noong Abril 1993.
Hindi naman siguro kalabisan kung sasangguni sa kaniya pagdating sa usapin ng pag-ibig.
Sa isang episode ng BBMVlog noong Pebrero 14, 2026, sinagot ni Pangulong Marcos, Jr. ang ilang tanong na may kinalaman sa relasyon bilang bahagi ng selebrasyon ng Valentine's Day.
Kabilang sa mga naitanong sa Pangulo ay kung anong payo ang maibibigay sa mga couple na gustong magkaroon ng mahaba at malusog na relasyon.
Ayon sa kaniya, "Ang sikreto lang diyan, hindi naman talaga sikreto, ay dapat ay bigayan. Hindi naman pare-pareho ang lahat ng tao. Dapat nagbibigayan lang."
"Hindi puwede 'yong 'my way or no way.' Pagka gano'n, may isang laging malungkot do'n," dugtong pa niya.
2. VICE PRESIDENT SARA DUTERTE
Maganda rin sigurong ikonsidera ang pananaw ni Vice President Sara Duterte tungkol sa pagmamahal para sa balanseng pagtanaw. Nagmumula kasi sa mas praktikal ang pagtingin ng Bise Presidente sa pag-ibig.
Sa isang TikTok video na ibinahagi ni VP Sara noong Pebrero 2024 habang siya ay nasa Malaysia para sa Southeast Asian Ministers of Education Organization (SEAMEO) conference, sinabi niya roon na mas mahalaga raw ang bigas kaysa sa pagmamahal.
"Kasi kung mayro’n kang pag-ibig pero wala namang pambili ng bigas, para kang kumain ng kare-kare na walang kanin," anang Bise Presidente. Tila pahiwatig na hindi magtatagal ang relasyong nakasandig lang sa pagmamahal.
Si VP Sara ay kasal kay Atty. Manases "Mans" Reyes Carpio at sila ay may tatlong anak.
3. SEN. ROBIN PADILLA
Hindi rin mawawala, siyempre, sa listahan ang “Bad Boy” ng Philippine Cinema at—sige na nga, ng Senado—na si Sen. Robin Padilla.
Bago siya makasal sa misis niya ngayong si Mariel Rodriguez, iba’t ibang babae ang dumaan sa buhay ni Sen. Robin kabilang na rito sina Sharon Cuneta, Judy Ann Santos, Vina Morales, Kris Aquino, at Leizl Sicangco.
Ngunit sa kasalukuyan, mahigit isa’t kalahating dekada na siyang kasal kay Mariel. May dalawa na rin silang anak—sina Isabella and Gabriella.
Ano nga ba ang sikreto ng dalawa sa matagal nilang pagsasama?
Sa panayamni Kapamilya broadcast-journalist Karen Davila sa mag-asawa noong Marso 2024, kuwelang ibinahagi ni Sen. Robin na ang sikreto raw kung bakit matibay ang relasyon nila ng misis niya.
“So in love pa rin talaga kayo sa isa't isa?" tanong ni Karen kay Sen. Robin.
"Inaaway niya kasi ako e," anang actor-turned-senator.
"'Yong totoo?" paniniyak ng Kapamilya broadcast-journalist.
"De, totoo,” sabi naman ni Sen. Robin. “Totoo.”
Depensa naman ni Mariel, “I'm thinking the more it won't work kung inaaway ko siya 'cause in my head never ko siyang inaaway.
4. GLADYS REYES
Kung ang actress-host namang si Gladys Reyes ang tatanungin, tatlong “P” raw ang kinakailangan para sa isang pangmatagalang relasyon.
Aniya, “Hindi naman sikreto ‘yon pero sabi ko nga tatlong ‘P’ ‘yan, e…Para sa akin, ano ‘yan, ‘PPP’. Prayers, patience, partnership. Parang negosyo din.”
Malaking factor umano ang pananampalataya nilang mag-asawa sa matibay nilang relasyon lalo pa’t miyembro ng Iglesia ni Cristo (INC) si Christopher Roxas.
“Tapos siyempre tons of patience. Hindi talaga laging bed of roses ‘yan. Totoo naman ‘yan. Mas marami nga ‘yung pagtatalo n’yo, di ba,” sabi pa niya.
Ang ikatlong “P” naman, partnership. Naroon daw ang mga itinanim na pagmamahal, tiwala, at respeto sa isa’t isa na kalaunan ay aanihin ng dalawang magkarelasyon.
“Kailangan mag-invest ka,” dugtong ng aktres. “Hindi lang oras, panahon. Given na rin ‘yong pagmamahal.”
Sa kasalukuyan, lampas tatlong dekada nang nagsasama sina Gladys at Christopher. Nakarelasyon niya ang huli sa loob ng 13 taon bago naging asawa.
5. MELAI CANTIVEROS
Sa pananaw naman ng komedyante at TV host na si Melai, mahalaga raw sa pagpapatibay ng relasyon kung isesentro ito sa Diyos.
Pinagnilayan niya kasi ang tungkol sa bagay na ito noong Oktubre 2025 matapos ang South Korea trip nilang magpapamilya.
"In this love life of ours, God is the main character of our humble relationship," saad ni Melai.
Dagdag pa niya, "He is the center of attraction; that's why we attract each [other].”
Mahigit isang dekada na ring kasal sina Melai at Jason Francisco. Ginanap ang kanilang pag-iisang-dibdib sa Holy Cross Parish sa General Santos City noong Disyembre 2023.