July 09, 2026

Home BALITA National

'Akala ko training lang, hindi military training!'—Ina ni Rene Baterbonia

'Akala ko training lang, hindi military training!'—Ina ni Rene Baterbonia
Photo courtesy: Rene Clert Baterbonia (FB)

Naghihinagpis ang ina ni 2025 Palarong Pambansa “Mr. MVP” Rene Clert Baterbonia na si Rovelyn Baterbonia sa mapait na sinapit ng kaniyang anak nang malunod ito sa isinagawang team-building ng koponan ng Ateneo de Manila University sa Dipaculao, Aurora, noong Lunes, Hunyo 8, 2026. 

Matatandaang opisyal na inanunsyo sa publiko ng naturang pamantasan sa kanilang Facebook page noon ding Lunes ang sinapit nina Baterbonia at Nigerian foreign-athlete Divine Adili sanhi ng insidente ng pagkalunod ng dalawa. 

KAUGNAY NA BALITA: 'Is it just a team building?' Netizens, umalma sa pagkalunod nina Baterbonia at Adili!

Sa naging pahayag naman ni Rovelyn sa panayam sa kaniya ng media habang nasa Ninoy International Airport (NAIA) Terminal 2 nitong Martes, Hunyo 9, kinuwento niyang nakausap pa raw sila ng mga kawani ng nabanggit na pamantasan noon, ngunit wala naman daw nabanggit ang mga ito sa kanila na makikiisa sa mahirap na training ang kanilang anak na si Rene. 

“Noong pumunta kami dito sa Maynila, sabi nila na kausapin kami nila. Noong nag-orient sila, hindi talaga nila sinabi na magkakaroon ng training na ganoon,” pagsisimula niya. 

National

Teodoro, Tarriela pumalag: Batanes, 'natural extension' ng Taiwan sey ng ilang Chinese scholars!

Ani Rovelyn, sana ay ipinaalam sa kanila ang nakaabang na mahirap na training ng mga manlalaro para daw sana natanong nila si Rene kung kakayanin niya iyon. 

“Kasi kung sinabi pa lang nila, matanong ko na sana [sa anak ko] kung kaya mo ba ‘yon? Para mapagdesisyunan namin. Ang hindi ko alam, ba’t ganoon na lang ang nangyari!” aniya. 

Paglalahad ni Rovelyn, nakapagpadala pa raw ng mensahe si Rene sa kanila upang ipaalam na hindi siya makakagamit ng cellphone sa training camp sa loob ng isang linggo. 

“Bigla na lang nag-text ‘yong anak ko. Sabi niya, ‘Ma, one week sigurong wala akong cellphone kasi may training kami doon sa Baler,’” kuwento niya. 

Dagdag pa niya, “Tapos sabi ko, ‘Sige, ‘nak… Dapat ingatan ‘yong katawan kasi isa lang ‘yon!’” 

Diin ni Rovelyn, inakala raw niya na normal na training lang para sa mga basketbolistang manlalaro ang pupuntahan ng kaniyang anak at hindi iyon kasinghirap ng ensayo ng mga militar. 

“Kasi akala ko training lang. Hindi military training! Ano ba ‘yon?” kuwestiyon niya. 

Pagpapatuloy ni Rovelyn, hindi na raw nakagamit ng cellphone si Rene mula noong Sabado, Hunyo 6, hanggang Linggo, Hunyo 7, at nagulat na lang daw siya nang tawagan siya ng isang kawani ng kanilang team para sabihing nalunod si Rene. 

“Sabi niya, ‘Ma’am, naaksidente po si Rene. Nalunod po.’ Malaki talaga ang tanong ko. Bakit napunta doon sa dagat? Kasi basketball naman ‘yong anak ko, hindi naman swimming,” hinagpis niya. 

“Masakit! Sobrang support ko mula bata hanggang ngayon tapos ginanon lang nila,” pagtatapos ni Rovelyn. 

Apela ni Rovelyn, nananawagan daw siya na makamit ang hustisya sa pagpanaw ng kaniyang anak at malaman ang buong katotohanan sa naganap na insidente ng kaniyang pagkalunod.

KAUGNAY NA BALITA: 'One of the brightest talent!' Ateneo de Davao, inalala naging karera ni Baterbonia

KAUGNAY NA BALITA: PSC nakiramay, tutulong sa imbestigasyon ng pagkasawi nina Baterbonia at Adili!