Inihayag ni Sen. Risa Hontivero sa publiko ang kaniyang pagkadismaya sa hindi pagtanggap ng developer ng online game na GoreBox na dumalo sa ikakasa niyang pagdinig sa darating na Hulyo 1, 2026, kaugnay na naganap na school shooting incident sa isang paaralan sa Tacloban City.
Bago nito, nauna na munang umapela si Hontiveros nitong Biyernes, Hunyo 26, sa embahada ng bansang Germany sa Pilipinas upang maanyayahan ang developer ng larong GoreBox na si Felix Filip na dumalo sa pagdinig ng kaniyang komite na Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality.
KAUGNAY NA BALITA: Senado, magsasagawa ng imbestigasyon ukol sa Tacloban shooting incident sa Hulyo 1
Matatandaang lumabas sa inisyal na imbestigasyon ng kapulisan na mahilig umano sa paglalaro ng GoreBox ang isa sa mga suspek na menor de edad na namaril sa loob ng San Jose National High School noong Lunes, Hunyo 22.
Dahil dito, ipinatupad ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) noong Martes, Hunyo 23, ang pansamantalang pagbabawal sa naturang online gaming app.
KAUGNAY NA BALITA: Menor de edad, namaril sa eskwelahan sa Tacloban City; 3 estudyante, todas!
Sa naging pahayag naman ni Hontiveros nito ring Biyernes sa kaniyang Facebook post, inihayag niya ang kaniyang pagkadismaya sa pagtanggi ni Filip sa dumalo sa pagdinig ng Komiteng hinahawakan niya.
Ani Hontiveros, marami raw siyang nais na malaman sa pamamagitan ng personal mismo na pagtatanong sa online game app developer na si Filip.
“Nakakadismaya na pinili ni Mr. Filip na huwag dumalo sa darating na hearing namin lalo na’t marami sana akong gustong malaman mula sa kanya mismo,” pagsisimula niya.
Screenshot mula sa FB post ni Hontiveros.
Pagpapatuloy ni Hontiveros, dapat daw na irespeto ng mga developer na nag-ooperate sa bansa at nakikinabang sa mga Pilipinong users ang batas at institusyon ng Pilipinas.
Diin niya, maaari din daw managot ang mga developer na hindi kikilalanin ang batas ng bansa sa kabila ng paglalatag nila ng kanilang negosyo sa loob ng Pilipinas.
“Any developer or online company that wants to operate here, profit from Filipino users, and reach Filipino children must respect our laws and our institutions,” aniya.
“This should be the bare minimum for them to do business here. Kung ayaw nilang kilalanin, mananagot rin sila,” pagtatapos pa niya.
Samantala, wala pa namang inilalabas na bagong pahayag, tugon, o reaksyon si Filip kaugnay sa nasaad ni Hontiveros bukod sa naging pagpapadala niya ng email sa Senado para tanggihan ang alok ng naturang senador.
KAUGNAY NA BALITA: CICC, pansamantalang ipagbabawal ang ‘GoreBox’