Pamilyar ka pa ba sa ikalawang Pangulo ng bansa, at ang unang presidente ng Commonwealth ng Pilipinas?
Sakto ngayong buwan ng Agosto, ang Ama ng Wikang Pambansa, kilala mo ba?
Namumukhaan mo naman ba ang nakaimprentang pigura sa sa ₱20-peso bill na ating pera?
Ang dahilan kung bakit holiday sa lungsod at lalawigan ng Quezon, pati na rin sa probinsya ng Aurora, alam mo ba?
Sa dami ng mga katanungang iyan, hindi maikakailang isa lamang ang tinutukoy na kasagutan niyan—at iyon ay si dating Pangulong Manuel L. Quezon.
Si Manuel Luis Molina Quezon ay isinilang noong Agosto 19, 1878 sa Baler, Tayabas, na ngayon ay ang lalawigan ng Aurora.
Siya ay isang kilalang statesman, na itinuturing bilang ikalawang Pangulo ng bansa, sunod kay dating Pangulong Emilio Aguinaldo.
Siya rin ang unang presidente ng bansa sa ilalim ng Commonwealth ng Pilipinas.
Ngunit bago niya maabot ang posisyong ito, siya muna ay nag-aral ng abogasya sa University of Santo Tomas (UST).
Sa kasamaang-palad, kailangan niya itong itigil upang makibaka laban sa pananakop ng Estados Unidos.
Nang sumuko si Aguinaldo noong 1901, bumalik si Quezon sa unibersidad upang tapusin ang naunsiyaming pag-aaral ng abogasya.
Sumapit ang taong 1905, at napagdesisyunan niyang tumakbo sa pagkagobernador ng Tayabas.
Matapos ang dalawang taon, kumandidato naman siya bilang representative sa “newly-established Philippine Assembly.”
Nang dumating ang taong 1935, nahalal si Quezon bilang Pangulo ng bansa, una sa ilalim ng pamahalaang Commonwealth.
Isinaayos ni Quezon ang military defense ng bansa, katuwang si US General Douglas MacArthur, na siyang special adviser niya.
Muling nahalal bilang presidente si Quezon noong 1941, bago ang pananakop ng mga Hapones sa Pilipinas noong 1942.
Nang sumapit iyon, tumungo si Quezon sa Amerika upang magsilbi bilang miyembro ng Pacific War Council.
Nilagdaan niya rin ang deklarasyon ng United Nations (UN) kontra sa mga pasistang bansa.
Sa kasamaang palad, pumanaw si Quezon noong Agosto 1, 1944, sa sakit na tuberkulosis.
Gayunpaman, buhay na buhay pa rin ang alaala niya, sapagkat araw-araw nakikita ng mga Pinoy ang kaniyang mukha sa kasalukuyang ₱20-peso bill ng pera ng bansa.
Isa pa, kinikilala ang araw ng kaniyang kapanganakan bilang isang special non-working holiday sa Quezon City, Quezon Province, at Aurora—sa bisa ng Republic Act. 6741.
Sa ilalim din ng kaniyang pamamahala, inaprubahan ang wikang “Tagalog” bilang batayan sa pagbuo ng isang Wikang Pambansa—na naisagawa ang proklamasyon sa bisa ng Executive Order No. 134.
Ngayong Miyerkules, Agosto 19, 2026, ay ang ika-148 taong kapanganakan ni dating Pangulong Quezon.