August 20, 2026

Home FEATURES BALITAnaw

#BALITAnaw: 'Boses ng radyo' noon, pinakikinggan pa ba ngayon?

#BALITAnaw: 'Boses ng radyo' noon, pinakikinggan pa ba ngayon?
Photo courtesy: Unsplash


Sa usaping balita, opinyon, o libangan man, laging bida riyan ang telebisyon at mga dyaryo.Tila itong dalawa na ang nagiging mukha ng paghahatid ng kuwento at istorya, na siyang nagbibigay impormasyon sa madla.

Pero siyempre, liban sa biswal na atake ng telebisyon at dyaryo, hindi magpapahuli ang boses na dala ng radyo, na gumigising sa mga tao sa bawat baryo.

Isa rin ang radyo sa mekanismong ginagamit sa paghahatid ng balita at mga kuwento.

KASAYSAYAN NG RADYO SA PILIPINAS

Batay sa ilang mga tala, noong 1922 ikinasa ng nagngangalang Mrs. Redgrave ang unang test broadcast ng radyo sa bansa.

Isinagawa ito sa dati’y tinawag na Nichols Field, na sa kasalukuyan ay ang Villamor Air Base, sa lungsod ng Pasay.

Noong parehong taon, nagsagawa naman ang dating Amerikanong sundalong si Henry Herman ng tatlong experimental stations sa Maynila, na kaniyang pinag-isa at tinawag na KZKZ.

Ito ang kinikilala bilang unang radio station sa Pilipinas.

Naging laman ng iba’t ibang sining ang radyo gaya ng musika, kuwento, at komentaryo, matapos ang ilang taong pag-usbong nito sa bansa.

BALITAnaw

BALITAnaw: Ang kontrobersyal na pagkamatay ni Kian delos Santos

Noong mga unang dekada nito, panay wikang Ingles ang ginamit, sapagkat malaki ang impluwensya ng kulturang Amerikano sa gitna ng digmaan.

Nang sumapit ang pananakop ng mga Hapones, sinubukan nilang alisin ang kulturang Amerikano sa bansa sa pamamagitan ng radyo, at inumpisahan nila ang pagtuturo ng kulturang Asyano gamit ito, kabilang na ang wikang Nihonggo.

Nagsimula ring umusbong sa panahong ito ang paggamit ng wikang Filipino sa radyo—sa mga programa man o sa musika.

Hanggang sa lumipas ang ilan pang dekada, at ginamit din ang radyo sa mga makasaysayang pangyayari sa bansa.

Sa tulong ng radyo, naging saksi ang mga Pilipino sa kakaibang State of the Nation Address (SONA) ni dating Pangulong Elpidio Quirino.

Noong 1950, naisakatuparan ni Quirino ang kaniyang SONA habang siya ay nasa Johns Hopkins Hospital sa Amerika.

Noong ding 1986 People Power Revolution, malaki ang naging ambag ng radyo—partikular ang Radyo Veritas—sa pamamahagi ng impormasyon at mobilisasyon upang ganap na wakasan ang higit dalawang dekadang pamumuno ni dating Pangulong Ferdinand Marcos, Sr. sa bansa.

RADYO SA KASALUKUYANG PANAHON

Sa kasalukuyan, ginagamit pa rin ang radyo bilang paraan upang magbahagi ng balita, musika, at mga kuwento.

Isa ito sa pinakatanyag na paraan upang ipadala ang mensahe sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Sa porma ng teleradyo, nagsanib na rin ang telebisyon at radyo upang mapagsama na ang boses at biswal sa paghahatid ng mga impormasyon.