PUWEDE NA MAGLABA?!
Ibinahagi ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na makararanas ng maikling "monsoon break" ang bansa dahil inaasahan ang panibagong bugso ng southwest monsoon o hanging habagat sa susunod na linggo.
Kaugnay na Balita: 'Neneng' nakalabas na ng PAR; tsansa ng pag-ulan sa Metro Manila, mas mababa na
Sa PAGASA weather forecast nitong hapon ng Huwebes, Agosto 20, sinabi ni PAGASA weather specialist John Manalo na magkakaroon ng maaliwas na panahon sa Metro Manila at karatig-probinsya nito simula ngayong araw hanggang sa Sabado.
Bagama't nakalabas na ng Philippine Area of Responsibility (PAR) ang dating bagyong "Neneng," binabantayan ng ahensya ang isang low pressure area (LPA) at tropical storm "Saudel," na parehong nasa labas pa ng PAR.
Ang LPA ay huling namataan sa layong 1,725 East of Northeastern Mindanao. Inaasahang itong magiging tropical depression ngunit ito ay malulusaw rin.
Samantala, ang tropical storm "Saudel," na nasa labas pa rin ng PAR, ay may tsansang pumasok sa PAR sa Linggo o sa Lunes.
"Ang tropical storm Saudel ay may potensyal na pumasok ng Philippine Area of Responsbility. Kikilos ito pa-northwest, [patungo] sa northeastern ng PAR, by Sunday and Monday. Nakadepende po sa magiging bilis niya," saad ni Manalo.
Gayunpaman, pumasok o hindi, posible nitong palakasin ang habagat, na magdadala muli ng maulap na kaulapan at pag-ulan.
"Pumasok man o hindi, 'yong enhancement o pagpapalakas nito sa habagat ay mananatiling mataas.. paglapit nito sa northeastern part ng bansa," dagdag pa niya.
Sa oras na pumasok ito ng PAR, papangalanan itong "Obet," ang ikaapat na bagyo ngayong Agosto.