July 23, 2026

Home BALITA

Senado, magsasagawa ng imbestigasyon ukol sa Tacloban shooting incident sa Hulyo 1

Senado, magsasagawa ng imbestigasyon ukol sa Tacloban shooting incident sa Hulyo 1
courtesy: Senate of the Philippines/FB, contributed photo

Magsasagawa ng imbestigasyon ang Senate Committee on Women, Children, Family Relations, and Gender Equality sa Hulyo 1, 2026 kaugnay sa nangyaring pamamaril sa San Jose National High School sa Tacloban at sa lumalalang banta ng online radicalization sa mga bata.

Noong Lunes, Hunyo 22 nang maganap ang pamamaril sa loob ng naturang paaralan kung saan ang mga suspek ay pawang mga menor de edad. 

Ayon sa press briefing ng pulisya, ito ang kauna-unahang school shootout na naitala sa Tacloban 

Maki-Balita: ALAMIN: Ilang detalye sa likod ng kauna-unahang school shootout sa Tacloban City

Nitong Martes, Hunyo 23, kinumpirma ni Senador Risa Hontiveros na magsasagawa ng imbestigasyon ang nasabing komite na kaniyang pinangungunahan.

National

'Kiyapo,' lalakas bilang tropical storm; signal no. 1, nakataas na!

“Sa July 1, muli nating bubuksan ang pagdinig para alamin kung may papel ang mga online platforms sa pagkalat ng mararahas na ideya. Nagiging pugad ng mga grupong nambe-brainwash at nagra-radicalize sa mga bata,” ani Hontiveros.

Kasunod ito ng isinagawang pagdinig ng komite noong Abril 14, 2026, kung saan nabunyag na ginagamit umano ang ilang online platform at gaming spaces upang i-groom, manipulahin, at hikayatin ang mga bata tungo sa karahasan.

“Titingnan nating muli kung sapat ba ang mga hakbang na ginagawa ng mga online platform upang maprotektahan ang mga kabataan laban sa pang-aabuso at pagsasamantala,” dagdag ng senadora. 

Sa naturang pagdinig noong Abril 14, tinalakay rin kung paano ginagamit ang internet hindi lamang para sa marahas na radicalization kundi maging sa online sexual abuse, exploitation, grooming, at extortion ng mga bata.

“Kung ginagamit ang internet upang biktimahin ang mga bata, dapat may managot. Hindi maaaring kita lamang ang iniisip ng malalaking tech companies habang ang ating mga pamilya at paaralan ay nababalot ng trahedya,” aniya.

“Hindi natin hihintaying magkaroon pa ng panibagong biktima bago kumilos. Dapat makapasok ang bawat bata sa paaralan nang ligtas at makauwi rin nang ligtas sa kanilang mga pamilya,” pagtatapos ni Hontiveros.

Samantala, sa ulat ng Tacloban City Information Office, as of 8:00 AM ngayong Martes, anim sa mga naitalang sugatan ay babae habang siyam naman ay mga lalaki, ayon sa bilang ng PNP. 

Maki-Balita: Mga sugatan sa school shooting incident sa Tacloban, 15 na!