August 20, 2026

Home FEATURES Trending

#BalitaExclusives: Saksakan ng kuryente, nagsiklab matapos mabasa ng ulan!

#BalitaExclusives: Saksakan ng kuryente, nagsiklab matapos mabasa ng ulan!
Photo courtesy: Mis Tariray (FB screenshot)

Nagulantang ang isang pamilya mula sa Olongapo dahil sa pagsiklab ng power outlet sa bahay nila noong madaling araw ng Martes, Agosto 18. 

Mapapanood sa viral Facebook reel ni Aivy Bautista na nakuhanan sa CCTV nila ang biglang pagputok ng power outlet sa bahay nilang nakadikit sa pader. 

Dahil sa mabilis na paglaki ng apoy, nagbuga ito ng maitim na usok na agad bumalot sa sala nila Aivy. 

Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Aivy, ibinahagi niyang bandang 4:00 ng madaling araw nang mangyari ang pagsiklab ng power outlet at aniya, nagising siya sa amoy ng usok. 

Dagdag ni Aivy, una niyang sinilip ang bintana sa kusina nila mula sa kwartong tinutulugan ngunit nang wala siyang makita, lumabas daw siya ng kwarto. 

Trending

'Commuter life?' Bus na bumiyahe sa Roxas Boulevard, pinasok ng baha

Dito na raw nakita ni Aivy ang makapal na usok mula sa nag-aapoy na outlet kaya ginising na raw niya ang partner niya kasunod ang mga anak nila. 

Sa kabila ng nakababahalang pagsiklab ng sunog, agad na kumuha ng isang tabong tubig si Aivy para ibuhos sa power outlet. 

Nilinaw niya ritong pinapatay muna niya ang main switch ng power outlet sa partner niya bago isaboy ang tubig sa apoy. 

“Pina-off ko po yung switch ng kuryente sa partner ko saka ko po sinaboy yung tubig at ayun po naapula naman po yung apoy. Wala po kase kaming breaker,lumang bahay na po kase itong inuupahan namin at wala rin po kami available na fire extinguisher,” paglilinaw ni Aivy. 

Noong mga oras din daw na iyon, hindi na raw naisip ni Aivy na hagisan ng basang basahan ang power outlet, na inirerekomenda ng maraming netizens sa comment section biglang mas ligtas na option dahil naalimpungatan na lang daw silang pamilya noon. 

“That moment po hindi ko na naisip yung basang basahan kas[i] po naalimpungatan lang ako dahil sa amoy ng usok. Pero bago ko naman po nabuhos yung tubig  pina off ko po sa partner ko yung switch,” saad ni Aivy. 

Dagdag pa niya bago magsiklab, may mga nakasaksak raw na extension cord sa nasunog na power outlet at sa nasabing extension cord, may nakasaksak pang electric fan at electric mosquito killer. 

Sa pagtatapos ng panayam, binanggit ni Aivy na naitawag na nila ang insidente sa may-ari ng bahay dahil inuupahan lang daw nila ito ngunit dahil sila raw ang naninirahan dito, ang pamilya nila ang inatasang magpaayos. 

Dagdag pa ni Aivy dahil sa sunod-sunod na pag-ulan, hindi pa mapaayos ng pamilya niya ang nasunog na power outlet.