Ipinatupad ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) ang pansamantalang pagbabawal sa online gaming app na “GoreBox,” isang chaotic physics-driven sandbox kung saan nagtatagpo ang creativity at destruction.
Ito ay kasunod ng shooting incident sa San Jose National High School sa Tacloban City noong Lunes ng umaga, Hunyo 22.
Batay sa Police Regional Office 8 (PRO-8), lulong umano sa naturang online gaming app ang isa sa mga estudyanteng namaril sa nasabing paaralan.
Kaya naman bilang tugon, pansamantalang iba-ban ng CICC ang GoreBox.
“We are blocking Gorebox temporarily as a precautionary measure pending the investigation. Within the day, expect the app to be blocked,” saad ni CICC Usec. Aboy Paraiso.
Dagdag pa niya, “We cannot ignore possible online influences that may have contributed to this tragic incident.”
Ayon kay Paraiso, ang pansamantalang tigil-operasyon ng online gaming app ay magbibigay ng pagkakataon sa mga awtoridad para makapagsagawa ng masusing pagtatasa upang matukoy kung may kinalaman ito sa ginawa ng suspek.
Samantala, nakatakda namang magkasa ng imbestigasyon ang Senate Committee on Women, Children, Family Relations, and Gender Equality sa darating na Hulyo 1 kaugnay dito.
Maki-Balita: Senado, magsasagawa ng imbestigasyon ukol sa Tacloban shooting incident sa Hulyo 1