August 20, 2026

Home FEATURES BALITAnaw

#BALITAnaw: Ang maaksyong karera, buhay ni ‘Da King’ FPJ

#BALITAnaw: Ang maaksyong karera, buhay ni ‘Da King’ FPJ
Photo courtesy: Grace Poe/FB


ISANG BALA KA LANG!

Apat na salita, lubhang nakakanginig kapag narinig na.

Pero hindi ‘yan pananakot ha, isa lamang ‘yang movie line na sobrang tanyag sa bansa!

Paanong hindi ‘yan sisikat, e ang nag-iisang “Da King” ang nagsabi niyan!

Ngayong Huwebes, Agosto 20, 2026, ay ginugunita ang ika-87 taong kapanganakan ng nag-iisang “Hari ng Pelikulang Pilipino” na si Fernando Poe, Jr., o mas kilala sa katawagang FPJ.

Maituturing na “legend” si FPJ pagdating sa pelikulang Pilipino, sapagkat kinikilala siya bilang isang National Artist for Film.

Liban pa rito, halos lahat kasi ng pinagbidahan niya, swak at minahal ng masa! Ilan lamang sa mga klasikong pelikula ni FPJ ay ang “Ang Panday” noong 1980, “Dito sa Pitong Gatang” noong 1992, “Kahit Butas ng Karayom…Papasukin Ko” noong 1995, “Isusumbong Kita sa Tatay Ko” noong 1999, at ang “Batas ng Lansangan” noong 2002.

Nariyan din ang “Ang Probinsyano” noong 1997 at ang sikat na sikat na “Isang Bala Ka Lang” noong 1983.

Pero liban sa mahuhusay at tumatak na pelikula, nagmarka rin si FPJ sa larangan ng politika.

Noon kasing 2004 presidential elections, kumandidato si FPJ sa pagkapangulo.

Naging malaking kontrobersiya ito sapagkat ang paniniwala ng iilan ay nagkaroon umano ng dayaan sa nasabing eleksyon.

BALITAnaw

#BALITAnaw: 'Boses ng radyo' noon, pinakikinggan pa ba ngayon?

Opisyal na idineklarang nagwagi bilang Pangulo si dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo noong 2004, ngunit para sa iilan ay nakontrol ang bilangan at si FPJ daw ang nararapat na nanalo.

Gayunpaman, nasungkit ni GMA ang puwesto.

Ilang buwan matapos ang halalan, pumanaw si FPJ dahil sa stroke noong Disyembre 14, 2004, sa edad na 65.

FERNANDO POE JR. STATION

Bilang tanda ng legasiya ni FPJ, ipinalit ang pangalang “Fernando Poe Jr. Station” sa dating Roosevelt Station sa Light Rail Transit 1 (LRT-1) system, sa bisa ng Republic Act (RA) 11608.