Inanunsyo ng Department of Migrant Workers (DMW) nitong Biyernes, Mayo 15, na negatibo sa Hantavirus ang 38 tripulanteng Pinoy ng MV Hondius.
Ayon kay DMW Sec. Hans Leo Cacdac, 21 sa mga ito ang kasalukuyan nang sumasailalim sa quarantine at monitoring sa Amsterdam habang ang natitirang 17 ay lulan pa ng MV Hondius at nakatakdang dumating sa Rotterdam sa Lunes, Mayo 18, upang sumailalim din sa testing.
“Lahat sila negative sa testing. Wala tayong alam na symptomatic at this stage. That's for the 21 who are in [T]he Netherlands,” ani Cacdac.
“'Yung mga on board na labing pito na dadating sa Rotterdam ng Lunes, they will be subjected to some testing and observation,” dagdag pa niya.
Hinggil din sa 17 na naglalayag pa sa cruise ship, tiniyak ng kalihim na patuloy ang monitoring ng kanilang kalagayan at nabibigyan ng agarang medikal na suporta.
Samantala, binanggit ni Cacdac na hindi pa natitiyak ng ahensya ang eksaktong petsa ng pagbabalik ng mga tripulante sa Pilipinas habang hinihintay nilang makumpleto ang kanilang quarantine at observation period.
Ang Department of Health (DOH) naman ang nakatakdang manguna sa pagtukoy at pagpapatupad ng mga kinakailangang health protocols at clearance bago tuluyang makauwi ang mga tripulante sa Pilipinas.
Matatandaang tatlong pasahero sa MV Hondius ang nasawi mula sa pinaghihinalaang “outbreak” ng Hantavirus, ayon sa World Health Organization (WHO) noong Mayo 4.
MAKI-BALITA: ‘Hantavirus’ infection na hinihinalang kumitil sa tatlong cruise ship passengers
Bagama’t itinuturing na isang seryosong health problem, tiniyak naman ng WHO na ang Hantavirus ay hindi hudyat ng panibagong pandemya.
MAKI-BALITA: WHO, nagbabala sa posibleng karagdagang kaso ng hantavirus