Tila naging mainit ang nagdaang 15 na araw ng mga pagdinig ng Senate impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.
Noon lang Miyerkules, Agosto 12, 2026, natapos na ang pagharap sa Senate impeachment court ng tumayong ikapitong testigo ng prosecution panel na si Commission on Audit (COA) Intelligence and Confidential Fund Audit Office (ICFAO) State Auditor Xylene del Campo.
Kapuwa tumestigo sina Campo at dating state auditor ng COA-ICFAO na si Atty. Roderick Wamil kaugnay sa hinaharap na mga alegasyon sa disbursement ng confidential funds ni VP Sara sa Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd) noon.
KAUGNAY NA BALITA: KILALANIN: Si Xylene del Campo, ang ikapitong testigo ng prosecution!
Matatandaang tila naging mainit din ang tensyon sa pagitan ni private prosecutor Atty. Lorna Kapunan at Atty. Kristine Ferrer, mula naman sa defense panel, noon ding Miyerkules, kaugnay sa usapin ng misleading questions at pagsagot lang ng “yes” o “no” ng testigo sa direct o cross-examination.
KAUGNAY NA BALITA: ‘I don’t think I need to lecture you that!' Kapunan, Ferrer nagkagirian dahil sa 'misleading question'
Matapos ng mga ito, ano na nga ba ang mga inaasahang kaganapan sa darating na Lunes, Agosto 17, sa ikaanim na linggo at ika-16 na araw ng impeachment trial?
Noong Miyerkules, bago matapos ang ika-15 na araw ng impeachment trial, nilinaw sa Korte nina presiding officer Senator-Judge Chiz Escudero ang pagpapadala nila ng subpoena ad testificandum para kina:
House Legislative Information Resources Management Department Director Marivic Pareja
Dating Special Disbursing Officer (SDO) ng OVP na si Gina Acosta
Dating SDO ng DepEd na si Edward Fajarda
Assistant Secretary, Assistant Chief of Staff, at Bids and Awards Committee (BAC) Chair ng OVP na si Lemuel Ortonio.
Sino si Marivic Pareja at kinalaman niya sa impeachment trial?
Batay sa naging paliwanag ng House prosecutor na si Manila 3rd District Rep. Joel Chua, nakatakda raw na siyasatin ni Pareja sa impeachment trial ang mga archives sa naging pagdinig noon ng House Committee on Good Government and Public Accountability
“Yong mga archives. During the committee hearing ng Good Government. Ano lang naman ito, I-authenticate lang niya or poproseso para at least hindi na lahat ipapakita. Mas mabilis lang ito,” ani Chua.
Sino si Gina Acosta at kinalaman niya sa impeachment trial?
Itinuturing bilang isa sa mga central figure ng mga susunod na testigo si Acosta dahil sa naging gampanin nilang dating SDO ng OVP na siya umanong kumubra at nag-disburse ng cash advances para sa mga confidential funds ng opisina ni VP Sara noon.
Kapuwa nadadawit ang pangalan nina Acosta at VP Sara sa umano’y ₱73.287 milyong na-disallowed na confidential fund transactions ng OVP noon.
Sino si Edward Fajarda at kinalaman niya sa impeachment trial?
Katulad ni Acosta, itinuturing din bilang key figure at hostile witness si Fajarda na siyang nagsilbi nilang dating SDO ng DepEd nang kalihim ng ahensya si VP Sara noon.
Batay sa tala ng COA, tanging si Fajarda lang umano noon ang naatsan upang makubra at ma-disburse ang mga confidential funds at cash advances ng DepEd noong 2023.
Makikita umano sa mga tala na na-encash ni Fajarda ang tatlong tseke na aabot sa halagang ₱112.5 milyon.
Bukod pa rito, matatandaan ding pinatutsadahan ni Kapunan na tila “Superman” umano si Fajarda sa nakayanan nitong mag-disburse ng pondo ng DepEd sa iba’t ibang mga lugar sa loob lang umano ng isang araw noon.
Sino si Atty. Lemuel Ortonio at kinalaman niya sa impeachment trial?
Nadawit ang pangalan ni Ortonio dahil sa umano’y pagpirma nito, kasama si OVP Chief of Staff Zuleika Lopez, sa isinumiteng opisyal liquidation documents ng OVP sa COA noon.
Kasama umano rito ang detalye sa 105 na mga isinagawang aktibidades ng OVP na humugot daw ng pondo sa cash advances sa confidential funds ng naturang ahensya.
KAUGNAY NA BALITA: Confidential funds ng OVP, nawaldas umano sa Appreciation Night, Christmas activities noong 2022!
KAUGNAY NA BALITA: Atty. Ligutan, tumiradang walang binanggit na pangalan sa kaniyang post!