Walang ilalabas na pondo ang pamahalaan para sa planong Pax Silica hub sa Capas, Tarlac, ayon sa Bases Conversion and Development Authority (BCDA).
Sa pagdinig ng Senado tungkol sa Pax Silica nitong Biyernes, Agosto 14, sinabi ni BCDA President at CEO Joshua Bingcang na walang magiging financial participation ang ahensya sa development ng 1,600-ektaryang lugar na inilaan para sa proyekto.
Tanging lupa umano ang maibibigay ng pamahalaan, habang ang mga pribadong mamumuhunan ang inaasahang maglalaan ng puhunan para sa mga kinakailangang imprastraktura.
“Yung sa 1,600 [hectares] nakikita namin wala po. Ang ipo-provide lang po ang lupa po. But they want the ecosystem. Kaya mayroong iba, mag-iinvest ng power. Mayroong iba, mag-iinvest in water,” ani Bingcang bilang tugon sa tanong ni Sen. Bam Aquino kung magkano ang gagastusin ng gobyerno sa mga pasilidad.
Ayon kay Bingcang, maaaring ipaupa ang lupain o isailalim sa joint venture, ngunit manggagaling sa foreign investors ang kapital para sa pagpapaunlad nito.
“It's either a lease or a joint venture, but the capital will come from the foreign investors,” aniya.
Gayunman, sinabi ni Bingcang na wala pa sa kamay ng panig ng Pilipinas ang kumpletong development plan dahil ginagawa pa ito ng mga investor.
Inaasahang maihaharap sa BCDA ang mas detalyadong plano sa loob ng anim na buwan, saka ito daraan sa pagsusuri at pagsunod sa mga umiiral na regulatory requirements.
Sa ngayon, sinabi ni Bingcang na ang maibibigay pa lamang ng BCDA ay ang tinatawag na “metes and bounds” o eksaktong saklaw at hangganan ng lupang gagamitin sa proyekto.
Nilinaw din ng opisyal na hindi mismong artificial intelligence (AI) hub ang itatayo ng BCDA. Sa halip, ang mga kinakailangang bahagi at imprastraktura para sa pagtatayo ng mga AI hub ang bubuuin sa lugar.
Samantala, sinabi ni Bingcang na ang tanging posibleng gastusin ng pamahalaan ay may kaugnayan sa pagtugon sa mga social welfare concern na maaaring ihain ng mga lokal na residente kaugnay ng proyekto.