Matagumpay na nailigtas ng ilang residente sa Antipolo, Rizal ang isang aso matapos umano itong ma-trap sa creek ng dalawang araw.
Sa viral video ng residenteng si Jeffrey Eniceo noong Huwebes, Agosto 13, mapapanood na nangangatog ang aso sa gilid ng creek kung saan rumaragasa ang tubig.
Gamit ang taling nakakabit sa mahabang tubo, maingat na pinagtulungang hilahin ng iba pang mga residente ang aso.
Sa hiwalay na video update ni Jeffrey, mapapanood namang pinakain na nila ang aso ngunit nananatili itong mailap sa kaniya.
Saad pa niya, nagpumiglas ang aso sa kaniya matapos siyang mailigtas kaya nananatiling naninirahan ito sa kalsada.
“Noong nakaahon siya sa creek pilit siyang nagpumiglas, iniisip niya kaya na niya [ang] sarili niya. Sana makita ng may-ari ‘yong video para maiuwi na niya ‘yong aso,” kuwento ni Jeffrey.
Dagdag pa niya, dahil pagala-gala ang aso mas naging madumi ito.
Kaya habang wala pang kumukuha rito, hinihiling din ni Jeffrey na mapaamo ang aso at maalagaan ito.
Sa panibagong update ni Jeffrey nitong umaga ng Biyernes, Agosto 14, patuloy niyang sinusubukang hulihin at pakainin ang aso sa pag-asang makupkop ito habang wala pang kumukuhang may-ari rito.
Panawagan ni Jeffrey sa publiko, na habang nananatiling pagala-gala ang aso sa kalsada, huwag itong saktan.