May 20, 2026

Home FEATURES Trending

ALAMIN: ‘Hantavirus’ infection na hinihinalang kumitil sa tatlong cruise ship passengers

ALAMIN: ‘Hantavirus’ infection na hinihinalang kumitil sa tatlong cruise ship passengers
Photo courtesy: CruiseMapper,Unsplash

Tatlong pasahero sa isang cruise ship ang naitalang nasawi mula sa pinaghihinalaang “outbreak” ng Hantavirus infection, batay sa ulat ng World Health Organization (WHO) noong Lunes, Mayo 4. 

Ang cruise ship na MV Hondius ay naglalayag sa Argentina at Cape Verde nang ilang grupo ng mga pasahero ang may iniindang “severe respiratory illness.” 

Saad pa ng WHO, as of May 4, 2026, may pitong kaso na ng hantavirus ang kanilang naitala, kung saan, dalawa rito ay kumpirmado at lima ang pinaghihinalaan pa. 

Kabilang rito ang pagkasawi ng tatlong pasahero, isang critically ill na pasyente, at tatlo pang may mild symptoms ng nasabing virus. 

Ang sakit ay naganap sa pagitan ng Abril 6 at 28, na kinakitaan ng lagnat, gastrointestinal symptoms, mabilis na progresyon ng pneumonia, acute respiratory distress syndrome, at shock. 

Trending

#BalitaExclusives: ‘Literal na dumilim ang paligid!’ Singing performance sa Tarlac, nasaktuhan ng rotational brownout!

Sa kasalukuyan, tiniyak ng WHO na nagpapatuloy ang kanilang imbestigasyon habang ang pinaghihinalaang outbreak ay agad na natugunan dahil sa coordinated international response sa pamamagitan ng medical evaluation, case isolation, at laboratory investigation. 

Dahil dito, ano nga ba ang Hantavirus Infection? 

Saad ng WHO, ang Hantavirus Infection ay kadalasang nakukuha mula sa ihi, dumi, o laway ng infected rodents o mga daga. 

Bagama’t maituturing itong “rare” o bibihirang sakit, ang sakit na ito ay nagdudulot ng matinding komplikasyon at nakamamatay. 

Ayon sa Centers for Disease Control and Prevention (CDC), naaapektuhan nito ang baga at nagdudulot ng dalawang sintomas; ang hantavirus pulmonary syndrome (HPS) na natatagpuan sa Western Hemisphere, kung saan kabilang ang bansang US, at ang Hemorrhagic fever with renal syndrome (HFRS) na kadalasang natatagpuan sa Europa at Asya. 

Ilan sa mga paunang sintomas ng HPS ay ang mga sumusunod: 

- Fatigue o lubos na pagkapagod

- Lagnat

- Pananakit ng katawan, partikular ng mga hita, balikat, balakang, at likod. 

- Pananakit ng ulo

- Pagkahilo

- Chills o panginginig

- Pananakit sa bandang tiyan, kasama ang pagsusuka at diarrhea 

Narito naman ang mga paunang sintomas sa HFRS: 

- Matinding pananakit ng ulo

- Pananakit ng likod at tiyan

- Lagnat at chills

- Nausea o pagduwal

- Blurred vision 

Sa patuloy na pagkalat ng sakit, maaari pang maramdaman ng ilan ang mga sumusunod na sintomas: 

- Pagbagsak ng blood pressure

- Acute shock o kakulangan sa daloy ng dugo 

- Vascular leakage o internal bleeding

- Acute kidney failure 

Mayroon bang kaso ng Hantavirus sa Pilipinas? 

Ayon sa mga ulat, bagama’t maituturing na bihira sa Pilipinas, taong 2016, natagpuan sa bansa ang bagong species ng hantavirus na nagmumula sa fruit bats sa Quezon Memorial National Park, kaya pinangalanan ang nasabing sakit bilang “Quezon virus” (QZNV). 

Taong 1992, may naitala ring dalawang pasyenteng Pinoy sa San Lazaro na kinakitaan ng jaundice at pananakit ng tiyan, ang nagpositibo sa hantavirus.